ISANG record na 65.3 milyong katao ang naitaboy mula sa kani-kanilang tahanan sa iba’t ibang dako ng mundo noong nakaraang taon, karamihan sa kanila ay umiwas na maipit sa mga digmaan ngunit minalas na naharap lamang sa mahihigpit na batas at xenophobia, o matinding pagkamuhi sa mga banyaga, pagdating nila sa mga hangganan, ayon sa refugee agency ng United Nations.

Ang nasabing bilang, na tumaas mula sa 59.5 milyon noong 2014 at may 50 porsiyentong paglundag sa nakalipas na limang taon, ay nangangahulugan na isa sa bawat 113 katao sa planeta ay isa na ngayong refugee, asylum-seeker o internally displaced sa sarili niyang bansa.

Ang mga paglalaban sa Syria, Afghanistan, Burundi at South Sudan ang nagbunsod ng huling maramihang paglikas, kaya naman pumalo na sa 21.3 milyon ang kabuuang bilang ng mga refugee, kalahati sa mga ito ay mga bata, ayon sa “Global Trends” report ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) para sa World Refugee Day.

“The refugees and migrants crossing the Mediterranean and arriving on the shores of Europe, the message that they have carried is that if you don’t solve problems, problems will come to you,” sinabi ni U.N. High Commissioner for Refugees Filippo Grandi.

“It’s painful that it has taken so long for people in the rich countries to understand that,” aniya. “We need action, political action to stop conflicts, that would be the most important prevention of refugee flows.”

Isang record na dalawang milyong bagong asylum claims ang idinulog sa mayayamang bansa noong 2015, ayon sa ulat.

Halos 100,000 ang bata na walang kasamang guardian o nahiwalay sa sariling pamilya, mas mataas ng tatlong ulit kumpara sa datos noong 2014, at masasabing isang kasaysayan.

Pinangunahan ito ng Germany, na ang isa sa bawat tatlong aplikante ay Syrian, sa 441,900 claims, kasunod ang United States na may 172,700, karamihan sa kanila ay tumakas mula sa mga karahasang may kinalaman sa gang at ilegal na droga sa Mexico at Central America.

Nasa mga papaunlad na rehiyon pa rin ang 86 na porsiyento ng mga refugee sa mundo, sa pangunguna ng Turkey, na kumukupkop sa 2.5 milyong Syrian, kasunod ang Pakistan at Lebanon, ayon sa report. (Reuters)