Obit Anton Yelchin

LOS ANGELES (AP) – Nasawi ang sumisikat na aktor na si Anton Yelchin, na nakilala sa kanyang pagganap bilang Chekov sa mga bagong pelikulang Star Trek, makaraang mabundol at maipit ng sarili niyang kotse na aksidenteng dumausdos palabas ng garahe nitong Linggo ng madaling-araw.

Naipit ng kotse si Anton, 27, sa pagkakasandal niya sa isang brick mailbox pillar at security fence sa kanyang bahay sa Los Angeles, ayon sa pulis na si Jenny Hosier. Kabababa lang niya sa nasabing sasakyan, ngunit hindi sinabi ng pulisya kung bakit nasa likuran siya ng sasakyan nang umatras ito.

Paalis noon si Anton upang makipagkita sa kanyang mga kaibigan para sa isang rehearsal, ayon kay Hosier. Nang hindi siya sumipot, pinuntahan siya sa bahay ng kanyang mga kaibigan at natagpuan siya ng mga ito na wala nang buhay.

Human-Interest

Albay LEPT topnotcher nagbigay ng tips sa mga susunod na board exam takers!

Maagang tinuldukan ng freak accident ang umuusbong nang career ni Anton, na ngayon pa lang nakikilala at may hindi matatawarang artistic ambition. Ang Star Trek Beyond, ang ikatlo sa rebooted series, ay ipalalabas sa susunod na buwan.

Sa isang pahayag, inilarawan si Anton ng direktor at nagpasok sa kanya sa Star Trek na si J.J. Abrams bilang “brilliant ... kind ... funny as hell, and supremely talented.”

Bata pa lamang si Anton nang magsimulang umarte, gumanap siya sa maliliit na role sa mga independent film at sa iba’t ibang TV show, gaya ng ER, The Practice, at Curb Your Enthusiasm. Ang pinakamalaki niyang breakout big-screen role ay nang makipagsabayan siya sa pag-arte kay Anthony Hopkins sa Hearts in Atlantis noong 2001.

Bilang binatilyo, gumanap din si Anton sa mga pelikulang tulad ng crime thriller na Alpha Dog, at sa comedy na Charlie Bartlett. Gumanap din siya bilang batang Kyle Reese sa Terminator Salvation noong 2009.

Nag-iisang anak, si Anton ay isinilang sa Russia ng kapwa professional figure skater na mga magulang. Nanirahan ang kanyang pamilya sa Amerika noong sanggol pa lamang siya. Tinangka rin niya noong sumabak sa skating lessons, bago niya natuklasang hindi ito ang talento niya. Kalaunan, sinubukan niya ang pag-arte.