Tatlong Pilipinong atleta ang nakatala sa listahan ng International Athletics Association Federation (IAAF) na posibleng makalahok sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Agosto 5 hanggang 21 sa Brazil.

Isa sa nasa listahan ang kababalik lamang bilang miyembro ng pambansang koponan ang Cebuana na si Mary Joy Tabal.

Makakasama nito ang pinaka-unang iniulat na nakapagkuwalipika sa 400m hurdles na si Eric Shauwn Cray at ikatlo ang 2-time Olympian na si Marestella Torres-Sunang.

Opisyal na nakatala sa inilabas ng IAAF na kanilang website ang listahan ng mga atleta sa iba’t-ibang events ng track and field kung saan kasama si Tabal, Cray at Torres-Sunang sa listahan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“It’s not yet final,” sabi lamang ng isang opisyales ng PATAFA. ‘It is only the best record of year of those athletes na inilabas nila. They will announce the official list once all the qualifying are done maybe on July 11 or 12.”

Gayunman, ang 26-anyos na si Tabal, na pinakaunang Pilipinang marathoner na sasabak sa Olimpiada matapos na pahintulutang makabalik ng Patafa bilang miyembro ng pambansang koponan ay lubhang malayo ang puwesto at oras sa posibleng anumang kulay ng medalya.

Base sa inilabas na listahan ay nasa pangkalahatang ika-484 puwesto si Tabal sa isinumite nito na kabuuang oras na 2:43:31 sa pagtapos nito na ikawalong puwesto sa ginanap na Scotiabank Ottawa Marathon sa Ottawa, Canada noong Mayo 29.

Nangunguna sa listahan ang Ethiopian na si Tirfi Tsegave na itinala ang pinakamabilis na oras na 2:19:41 sa kanyang paglahok sa Dubai Marathon noong Enero 22.

Nasa ika-20 puwesto naman ang 27-anyos na si Eric Cray sa isinumite nitong personal best at Philippine record na 49.07 segundo sa pagtakbo nito sa 400m hurdles sa Kawasaki (Todoroki Stadium) noong Mayo 8, 2016.

Kasama din sa listahan sa ika-40 puwesto sa long jump si Sunang matapos magtala ng 6.60 metro sa ginanap na Philippine National Open sa Pasig City noong Abril 7. (Angie Oredo)