Vina (PLEASE CROP) copy copy

PINABULAANAN ni Vina Morales ang mga pahayag ni Cedric Lee sa Philippine Entertainment Portal (PEP) na binigyan ito ng korte ng 10 days para sa visitation rights nito sa anak nila na si Ceana Magdayao, pitong taong gulang, nang makausap ng media ang singer/aktres nang mag-file siya ng motion sa San Juan Prosecutor’s Office noong Huwebes ng umaga.

“Kung hindi pa tinawagan ng korte si Cedric, hindi niya ibabalik si Ceana after nine days niyang i-detain. Last May 23 lang niya ibinalik dito sa korte si Ceana. Visitation rights ni Cedric is every Saturday lang at isang araw lang.”

Hindi na raw pupuwedeng magsawalang kibo ang singer/actress ngayon tulad nang dati.

Kahayupan (Pets)

Asong inabandona sa paradahan ng tricycle noon, 'poging-pogi' na ngayon

“This time, hindi na puwede ‘yun, I have to fight for the sake of my daughter. Kung before, sinasabi ko, for the sake of my daughter I don’t want to speak up, ayokong makialam, ayokong magsalita kasi tatay pa rin siya ng anak ko.

Pero ngayon, may ipinaglalaban ako. Ipinaglalaban ko ‘yung anak ko. So, hindi na ako takot ngayon. Sa rami ba naman ng sumusuporta sa akin at nagdarasal sa akin, I will not be scared anymore, tapos na ‘yun,” pahayag ng TV host/singer/actress.

Tulad ng sinulat namin noong Miyerkules, 2013 nag-file si Cedrick ng custody case sa kanilang anak para sa visitation rights nito kay Ceana at ayaw pinayagan ni Vina dahil, “Ginawan nila ng false story ‘yung yaya ko.

Actually, ipinakulong niya ‘yung yaya ko for three days nang walang kalaban-laban. Tahimik kami noon. Ipinaglalaban namin ‘yun off-camera.

“And then, sabi niya, ipakukulong niya si Yaya, nag-file siya ng custody. Mautak nga, eh. Magaling, napakagaling.

“And then, sabi niya idi-dismiss niya raw ‘yung kaso ni Yaya kung may mga visitation right.

“In the first place, unang-una, I am not married to him, I only have a kid with him. Secondly, I don’t ask for financial support, so zero.”

Napapayag si Vina sa hinihinging visitation rights ni Cedric dahil ama naman ito ni Ceana at para mawala na ang kaso ng yaya ng anak.

“Kaya lang, this time, hindi ko alam kung ano ang nag-trigger sa kanya para i-detain ang anak ko for nine days while I was away for a vacation. And siyempre, worried ako, ano ba ang nangyayari kasi hindi ko makausap ang anak ko,” pahayag pa ng aktres.

Pero ipinagdiinan naman ni Cedric na legal ang pagkuha niya sa anak ng ilang araw.

Buwelta ni Vina, “unang-una, sino po ba ang nagsisinungaling sa amin? Siguro kung ganoon po, kung totoo ang sinasabi niya na may ibinigay na 10 days sa kanya ang korte, ang lalabas niyan, ako at ang korte ang nagsisinungaling.

“So, ngayon, hintayin na lang natin si Judge kung ano ang masasabi niya na binigyan niya ng 10 days si Cedric.”

Ang isa pang nagtulak din kay Vina na maghain ng motion ay dahil nu’ng tinanong daw niya ang anak kung gusto pa nitong makita ang ama, “I asked her (Ceana), ‘do you want to see your dad? No mommy, I don’t like.’

“Recently lang, after I filed last Friday (June 6), ‘anak pupunta lang ako sa banyo, ha, (kasama ko ‘yung friend ko), kasama ni Ceana si Yaya, maiiwan sila sa restaurant, sabi niya, ‘mommy, don’t leave me, daddy might come here and take me.’

“Kasi ‘yung area pala na ‘yun, do’n pumupunta sila ni Cedric, du’n niya dinadala ‘yung anak ko, doon siya ‘pinapasyal, so ‘yung fear nu’ng bata para sabihin niya iyon and then in the middle of the night, ‘yung anak ko, gigising umiiyak. ‘Yun ‘yung mga early days nu’ng nasa amin na siya. But now, she’s in a jolly mood again, okay na siya,” kuwento ng ina ng bata.

Sa mga larawang ipinalabas ni Cedric ay hindi naman nakitaan ng trauma si Ceana dahil ang saya-saya nila at may hawak pang aso.

“Hindi naman iyon ang kaso, unang-una, walang ibinigay na 10 days ang korte sa kanya, pangalawa bata, ‘yan, bigyan mo ng aso lalo na mahilig ang anak ko sa animals, dalhin mo sa zoo, bigyan mo ng kalaro, makakalimutan niya, magiging masaya ka.

“Pero emotionally, ‘pag siya na lang mag-isa, doon mo makikita, di ba? So traumatic sa kanya ito. Kung ako nga nagka-trauma, ni ayaw kong makita pagmumukha nu’n,” kuwento pa ni Vina.

Sabi ni Cedric, nakakausap naman ng abogado nito ang abogado ni Vina at magulang nito kaya siguradong alam lahat ng aktres ang nangyayari.

“Nag-text po ako sa lawyer niya na I was begging na sana ibalik na ni Cedric ang anak ko sa pamilya ko while I was away, ‘yun lang po. Paulit-ulit at kakausapin daw niya si Cedric,” sabi pa ng aktres na kasama sa Born For You.

Natanong din si Vina kung nagkakausap pa sila ni Cedric Lee.

“I don’t talk to him na po, it’s been years kasi unang-una, nagka-trauma rin ako, sa edad kong ito nagka-trauma rin ako sa ilang years na pambu-bully niya sa akin. After 2013, I don’t speak to him, it’s always through his lawyer,” mabilis na sagot niya at hindi na napigilang maging emosyonal na si Vina.

“Alam mo ‘yung tao na away nang away? Matapang ako pero ayoko ng away, ayoko ng gulo, umiiwas ako riyan. Pero alam mo ‘yung taong kinukutusan ka araw-araw, binu-bully ka, matututo kang lumaban at baka mas matapang pa sa ‘yo ‘pag lumaban.”

“I am praying and hoping na sana madinig ng korte ‘yung motion ko kasi ayokong lumaki ‘yung anak ko sa ganu’ng environment. Tingnan na lang natin kung ano ang kalalabasan, ayokong pangunahan ang korte, basta ako, I’m praying for the best at maraming nagdarasal sa akin.”

Tinanong si Vina kung anu-anong klaseng pambu-bully ang ginagawa ni Cedric sa kanya.

“Sige, magiging open na ako sa inyo, narito na rin lang naman ako, lubus-lubusin ko na. Napakarami niyang ginagawang pambu-bully sa akin at hindi lang sa akin, unang-una even little things, pero ito ‘yung pinaka-major, like in the school of Ceana before, ‘yung yaya, natutuwa yata siya kapag nang-aapi siya, parang nabibigyan siya ng satisfaction

“’Yung pupunta, pero may mga inuutusan siyang tao, ha, hindi lang naman siya, eh, like bodyguard, driver pupunta sa school bigla na lang sasapakin’yung yaya ko, nasa camera (CCTV), tinatanong ko ‘yung school na ‘yun kung puwedeng makahingi ng copy, wala raw, sira raw ‘yung CCTV that time,” pahayag ni Vina.

Marami pa raw ginawa si Cedric na hindi na lang niya to nilabas sa publiko, pero sabi niya, “Bisaya ako kaya hindi niya ako puwedeng saktan physically, kasi lalaban ako, mahaba lang ang pasensiya ko, pero ‘yung mga ganyan, maski ano ‘yung pambu-bully niya, ayaw kong magsalita kasi tatay pa rin siya ng anak ko, maapektuhan ‘yung anak ko.

“Pero ngayon, itong ginagawa niya sa akin at sa anak ko, hindi na pupuwede ‘yan,” sabi pa ni Vina.

Sa nangyaring gulo kina Vhong Navarro at Cedric, hindi na nagulat si Vina dahil kaya raw gawin iyon ng ama ng anak niya.

“Normal ba sa paningin ng bata na magkasama ang magkapatid sa bahay, sina Cedric at Bernice na nakikitang may binubugbog, dinadala sa bahay nila ang tao para bugbugin? Ayaw kong lumaki sa ganu’n ang anak ko,” kuwento pa ni Vina.

Ang tanging dalangin na lamang ni Vina ay ma-grant ang motion niya.

“Kasi ayokong lumaki ang anak ko sa ganoong environment. Basta ako, I’m praying for the best at maraming nagdarasal sa akin.”

Bukas naman ang pahinang ito para sa panig ni Cedric. (REGGEE BONOAN)