“HINDI ninyo ako dapat binabantaan ng boycott.” wika ni Pangulong Digong. “Ituloy ninyo,” aniya, “hindi ninyo ako kilala.” Ito ang kanyang sinabi nang magsalita siya sa thanksgiving party sa Crocodile Park, sa Davao City. Nasabi niya ito bilang kanyang reaksiyon sa panawagan ng Paris-based Reporters Without Borders na i-boycott ng media ang kanyang mga press conference. Ikinagalit kasi ng samahang ito ang sinabi ni Pangulong Digong na ang mga pinapatay na mamamahayag ay mga corrupt.

Bagamat walang samahan ng media sa bansa ang sumunod sa panawagang ito, makabubuti na rin kay Pangulong Digong na hindi siya naghahamon ng boycott tulad ng kanyang tinuran. Paano kung tuluyan siya? Unang-una, hindi dapat ikagalit ng Pangulo ang naging matapang na reaksiyon ng Paris-based media organization sa kanyang talumpati ukol sa pagpaslang sa mga journalist. Ang sabihin mong may mga pinaslang na mamamahayag na tiwali ay binubuksan mo ang larangan na patayin ang mga mamamahayag dahil binibigyan mo na ng katwiran ang gawin ito sa kanila. Kahit sino ang mamamahayag na ito at anuman ang motibo ng pumaslang sa kanya ay mariing dagok sa kalayaan sa pamamahayag. Ang kalayaan kasing ito ay sa mamamayan. Ang mga mamamahayag ay nasa pangunahing hanay lamang na gumagamit ng karapatang ito.

Hindi maganda sa mamamayan at bayan ang i-boycott ng media ang Pangulo o kaya, tulad ng banta ni Pangulong Digong na i-boycott niya ang media. Ang media, sa demokratikong bansa tulad natin, ay two-way traffic. Sa pamamagitan ng media ay naipaparating ng taumbayan ang kanilang hinaing sa gobyerno. At sa pamamagitan din ng media nawawari ng mga nasa gobyerno ang pulso ng bayan. Kaya, napapatakbo nila ang gobyerno alinsunod sa kapakanan ng mamamayan na dapat nilang paglingkuran.

Kapag binoycott mo ang media o ang media mismo ang nag-boycott sa iyo, mapuputol ang daan na daluyan ng impormasyon.

Paano maipapaalam ni Pangulong Digong, halimbawa, sa mamamayan ang gusto niyang gawin sa kanila? At paano naman niya malalaman kung katanggap-tanggap sa mga ito ang nais niyang gawin at ipasunod sa kanila? Ang media ay napakahalaga sa mga may tangan ng renda ng gobyerno at sa taumbayan. Ang tulong nito na mapaglaro ang lahat ng ideya upang mabatid kung ano ang makabubuti sa lahat ay hindi matatawaran. Ang boycott ay walang magagawang maganda kundi gulo lamang sanhi ng hindi pagkakaintindihan. (Ric Valmonte)