Warriors, maniniguro sa pagbalikwas ng Cavaliers sa Game Three.
CLEVELAND (AP) — Dominante ang Golden State Warriors sa unang dalawang laro ng best-of-seven NBA Finals.
Ngunit, imbes na magdiwang at magpatumpik-tumpik mas kailangan ng Warriors na maging masigasig at matibay para mapaghandaan ang inaasahang delubyo na maaaring rumagasa sa kanilang harapan.
Sa isang iglap, malaking epekto sa kanilang katayuan ang kapabayaan.
At hindi papayagan ng defending champion na mahulog sa patibong ng labis na tiwala.
Walang imposible sa basketball at naranasan mismo ng Warriors ang mabilis na pagbabago sa sitwasyon nang maitala nila ang makasaysayang pagbangon mula sa 1-3 paghahabol para gapiin ang Oklahoma City Thunder sa conference final.
Sa pagpalo ng Game 3 ngayon (Miyerkules sa Cleveland), kakailanganin ng Warriors na mapanatili ang momentum at gutom sa tagumpay upang mapigilan ang anumang pagtatangka ng Cavaliers na makatindig sa kasalukuyang katayuan.
“That’s a great analogy, one that we’ve already used,” pahayag ni Warriors coach Steve Kerr.
“It doesn’t matter what the scores are, doesn’t matter if you win by 25 or lose by 25, it’s one game in the series.
And we got blown out twice in a row in OKC, down 3-1, and we were able to come back. We know we’re playing against a great team. They’re coming home. They can change the momentum around with just one win.”
Sa mga tagahanga ng Cleveland, umaasa silang may pagbabago sa sitwasyon, sa kabila ng posibilidad na hindi makalalaro ang premyadong forward na si Kevin Love na inilagay sa “concussion protocol” matapos masiko sa batok ni Harrison Barnes sa second period ng Game 2.
“It’s a do-or-die game for us,” pahayag ni Cavaliers forward LeBron James.
“We can’t afford to go down 3-0 to any team, especially a team that’s 73-9 in the regular season and playing the type of basketball they’re playing,” aniya.
Sa ilang sandali, nahulog ang Warriors sa 1-3 sitwasyon kontra sa Thunder, binigyan lamang sila ng 3.9 porsiyentong tsansa na maipanalo ang serye. Sa 232 koponan sa kasaysayan ng NBA, siyam lamang ang nagawang makabangon sa 1-3, at manalo sa serye.
Sa kasalukuyan, mas mataas ang porsiyento para makabalik sa serye ang Cleveland.
“We’re not in that bad of shape as they were — 3-1 is worse than 2-0,”sambit ni Cavaliers coach Tyronn Lue.
“And they came back and took it one game at a time, like we have to do.”
Nakalimbag sa libro ang paghahabol ng 1969 Boston Celtics, 1977 Portland Trail Blazers, at 2006 Miami Heat matapos mahulog sa 0-2. Nagawang magkampeon ng Celtics sa Game Seven, habang naagaw ng Blazers at Heat ang korona sa parehong Game Six.
“History, is something that’s made to be broken,” ayon kay Lue.