DITO sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila, masuwerte ka kapag wala kang nadaanang karatula na may katagang: “police checkpoint” sa iyong pagmamaneho, mula sa paglubog ng araw hanggang sa hatinggabi.

Masipag kasi ang mga pulis na nakatalaga sa mga presinto na sumama sa “Oplan Checkpoint” sa kanilang mga Area of Responsibilities (AOR) at ang paborito nilang sitahin – ang mga nakamotorsiklo. Ito umano ang panlaban nila sa pamamayagpag ng mga riding-in-tandem na ang pakay ay mang-hold up, at manambang o pumatay.

Pero sa dami ng police checkpoint, laganap pa rin ang krimeng kagagawan ng riding-in-tandem na ang huling malaking pagtira ay naganap sa Quiapo noong nakaraang Biyernes, pasado 10:00 ng gabi. Ang biktima ay si Alex Balcoba, isang reporter/kolumnista ng People’s Brigada. Binaril siya sa batok at agad sumakay sa naghihintay na motorsiklo ang suspek. Si Balcoba ay ika-34 na mamamahayag na napatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aquino.

Sa dami ng checkpoint dito sa Metro Manila na ang pangunahing target ng inspeksiyon ay mga rider, papaanong nakalulusot pa rin sa mga pulis ang mga riding-in-tandem na armado ng baril?

Nagmatyag ako sa ilang checkpoint ng mga pulis sa iba’t ibang lugar dito sa Metro Manila at ito ang paulit-ulit kong nakita: Masipag silang manita at ang kapansin-pansing unang ipinalalabas nila ay ang mga rehistro ng motor at pitaka ng rider. Kapag walang problema ang rehistro, ang pitaka naman ng rider ang binubusisi, na parang may hinahanap. Kapag “makapal” ang wallet nito, medyo tatagal ang usapan nila. Kasunod nito ang pagsilip sa ilalim ng upuan bago tuluyang paalisin.

Ang may problema sa rehistro ang medyo matagal nilang kinakausap sa isang tago at madilim na lugar. Ayon sa mga nakausap kong nakaranas na ng checkpoint, tinitingnan umano ng pulis ang kanilang lisensiya at ID sa wallet at baka may nakaipit ding droga. Ang mga motoristang may problema sa rehistro ang siguradong susuka ng perang “ipanglalagay” para hindi na maistorbo.

Ito ang nakikita kong dahilan kaya palaging nakalulusot pa rin ang mga riding-in-tandem– nakatuon kasi ang kanilang konsentrasiyon sa pera para kumita, hindi para makakumpiska ng mga baril at iba pang armas na ginagamit sa krimen ng mga riding-in-tandem.

Para sa inyong mga sumbong, reklamo, report, balita, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga di-inaasahang mga pangyayari, i-text lamang ang mga ito sa: Globe 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected].