HINIMOK ng United Nations, nang may suporta ng United States, Britain at iba pang makakapangyarihang bansa, ang gobyernong Syrian na tuldukan na ang lahat ng pagsalakay at pahintulutan ang U.N. na maghatid ng ayuda sa daan-daang libong naipit sa digmaan sa Syria.

Nasa 600,000 katao ang naiipit sa 19 na magkakaibang lugar sa Syria, ayon sa U.N., at ang two-thirds nito ay napipigilan ng puwersa ng gobyerno habang ang iba pa ay apektado naman ng mga armadong grupo mula sa oposisyon at ng mga miyembro ng teroristang grupo na Islamic State.

Sinabi ni U.N. Aid Chief Stephen O’Brien sa Security Council na hihilingin nito sa Syria na pahintulutan ng bansa ang airdrops o airlifts ng tulong para sa mga apektadong lugar na walang land access, ayon kay French U.N. Ambassador Francois Delattre, pangulo ng konseho para sa buwang ito.

“I told the council that the operating space for humanitarian actors is shrinking as violence and attacks across Syria increase,” saad sa pahayag ni O’Brien. “We need the consent of the Syrian government and all necessary security guarantees, in order to conduct airdrops.”

Noong nakaraang buwan, pumayag ang mga kasapi ng International Syria Support Group (ISSG), na kinabibilangan ng Russia at United States, na dapat na mag-airdrop ang U.N. World Food Program ng tulong sa mga komunidad na sinalakay ng Syria simula nitong Hunyo 1 kung tatanggihan ang land access.

Sinabi ni O’Brien na dadalawa lang sa mga apektadong lugar ang narating ng U.N., sa pamamagitan ng lupa, noong nakaraang buwan, kinakatawan ang nasa 20,000 katao, o 3.4 na porsiyento ng kabuuang populasyon ng mga apektado ng kaguluhan sa Syria.

“The Security Council and the rest of the U.N., the ISSG, and international community must be prepared for air drops if the regime continues its obstruction,” saad sa pahayag ni U.S. Ambassador Samantha Power.

Sa pag-uusap sa telepono nitong Biyernes, tinalakay ni Secretary of State John Kerry ang paghahatid ng humanitarian aid sa Syria kasama si Russian Foreign Minister Sergei Lavrov.

“The preference is to get it in by ground, and we’re still working on getting it in by ground,” sinabi ni Kerry.

Hindi naman tumugon si Syrian U.N. Ambassador Bashar Ja’afari nang tanungin kung pahihintulutan ba ng kanyang gobyerno ang airdrops. Sinabi niyang ang “terrorists”, at hindi ang Damascus, ang humaharang sa paghahatid ng ayuda sa mga nangangailangan.

“If the Syrian government did not cooperate with the U.N. with regard to humanitarian aid, millions of Syrians would have died,” ani Ja’afari.

Kaugnay nito, kung hindi papayagan ng gobyerno ni Syrian President Bashar Assad ang airdrops, sinabi ni British Ambassador Matthew Rycroft na siya at ang kanyang pamahalaan “will consider further action to ensure that humanitarian aid is delivered.” Tumanggi naman siyang magbigay ng detalye kung paano gagawin ito. -Reuters