Ikinokonsidera na ngayon ng Manila Police District (MPD) ang isang retiradong tauhan ng MPD na “person of interest” sa pagpatay kay Alex Balcoba, Sr., kolumnista ng People’s Brigada, sa Quiapo, Maynila, kamakailan.

Ayon kay Senior Insp. Rommel Anicete, ng MPD Homicide Division, nangupahan ng commercial space ang retiradong pulis, na hindi muna pinangalanan, sa likuran ng Isetann Mall sa Quiapo noong 2012.

Subalit nang bilhin na ang gusali ng isang negosyante at paaalisin na ang mga tenant, pumalag ang retiradong pulis at nanutok ng baril sa demolition team.

Sinabi pa ni Anicete na itinalaga ng bagong may-ari ng gusali si Balcoba bilang caretaker ng pasilidad kaya nakapagpatayo ito ng sariling watch repair shop sa lugar.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

" Nagkaroon ng hindi magandang relasyon ‘yung dalawa, kasi si Alex, kampi sa may-ari. Ni-libel (ng retiradong pulis) si Alex kasi tinitira niya sa lugar. Na-dismiss ‘yung trespassing case nung 2012 din,” ayon kay Anicete.

Ayon naman sa anak ng biktima na si Alex Balcoba Jr., nagkasalubong ang kanyang ama at ang retiradong pulis sa tapat ng Isetann Mall, at naghamon ang huli ng suntukan.

Ayon pa kay Anicete, todo-tanggi ang retiradong pulis nang imbestigahan nila ito sa bahay nito sa Soler Street sa Quiapo, ilang araw matapos ang pamamaslang kay Balcoba Sr. noong Mayo 27.

Sinabi rin ng imbestigador na hinihintay na lang nila na magsumite ng kanyang pormal na salaysay ang retiradong MPD policeman hinggil sa pagpatay sa kolumnista. (Jenny F. Manongdo)