Inihayag kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na positibo sa party drug ang isa sa limang namatay sa Close Up Forever Summer concert na ginanap sa SM Mall of Asia open grounds sa Pasay City, kamakailan.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Dr. Romel Papa, hepe ng NBI Behavioral Science Division, na pinayagan lamang sila ng kaanak ng isang biktima na isapubliko ang nilalaman ng autopsy report habang humihingi pa sila ng permiso sa pamilya ng isa pang nasawi na mailabas ang resulta ng pagsusuri sa bangkay.
Sinabi ni Papa na napagtibay ng resulta ng pagsusuri ng NBI Medico Legal Division na atake sa puso ang ikinamatay ng isang biktima subalit nakakuha sila ng residue ng MDMA methylene homolog at synthetic cathinone sa blood sample na kinuha sa puso, utak, bato, atay at bituka nito.
Wala rin aniyang bakas ng alkohol na nakuha sa blood sample ng biktima at tanging natagpuan nila ay synthetic drug.
Bigo naman ang NBI na matukoy ang dami ng droga na nilaklak ng biktima at hindi rin nila matiyak kung ang atake sa puso ay sanhi ng drug overdose o underdose.
"We cannot really ascertain the amount of active ingredient is in one tablet so we cannot say whether it is underdosing or overdosing," aniya. (Argyll Cyrus B. Geducos)