LONDON (AP) — Hiniling ng isang grupo ng public health expert sa World Health Organization (WHO) na ikonsidera ang pagpapaantala sa pagdaraos ng Olympics sa Rio de Janeiro o ilipat ito sa ibang bansa bunsod ng Zika outbreak.
Sa liham na ipinadala sa U.N. health agency at may lagda ng 150 public health expert, nanawagan ang grupo na ikansela o ilipat ang Olympics sa ibang bansa “in the name of public health.”
Ginamit na dahilan ng grupo ang scientific evidence na nagtuturo sa Zika virus na may kaugnayan sa pagkakaroon ng depekto sa bagong silang na sanggol, gayundin sa nakamamatay na “neurological syndrome” sa matatanda.
Nauna nang nagbabala ang iba’t ibang public health academic sa libu-libong dadalo sa Rio Games sa Agosto 5-21 na ang Zika virus ay makaaapekto sa utak ng mga sanggol sakaling madapuan ng naturang karamdaman.
Ang Zika virus ang dahilan sa pag-atras ng malalaking pangalan sa golf na lalaruin sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang mahabang panahon.
Malaking alalahanin din ang tumataas na antas ng krimen sa Brazil bunsod ng pagbaba ng kanilang inflation rate at pagkasibak sa kanilang Pangulo dahil sa isyu ng kurapsiyon.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang pangulo ng cycling world governing body dahilan sa hindi pa natatapos na velodrome.
Sa panayam ng Associated Press, sinabi UCI representative Brian Cookson na gawa na ang cycling venue, kabilang na ang BMX at mountain bike courses, ngunit ang US$43 milyon centerpiece facility ay nananatiling nakabinbin ang konstruksyon, dahilan para hindi matuloy ang nakatakda sanang test event nitong Marso.
“I’m very unhappy about that,” sambit ni Cookson.
“The progress still seems to be incredibly slow. We now believe we don’t have any time for any proper test events and that’s very, very worrying.
“I want to encourage our friends in Rio to live up to the commitment that they’ve made and have the venue finished and operational — fully — several weeks before the Games.”