Kinasasabikan nina WBO light flyweight champion Donnie Nietes at top rated ring fighters na sina Arthur Villanueva at Milan Millendo ang magpasiklab sa harapan ng mga kababayan sa Pinoy Pride 36 – A Legend in the Making na gaganapin sa St. La Salle Coliseum sa Bacolod City, sa Sabado.

Sa pagdepensa ng kanyang titulo sa harapan ng kanyang mga kabaryo, kamag-anak at mga kaibigan, sinabi ni Nietes na isang malaking pagkakataon ang pinagkaloob sa kanya ng ALA Promotions International para maipakita ang kanyang kahusayan.

“I am happy to be able to bring this fight to Bacolod City and I have trained and prepared well for this match against Raul Garcia,” pahayag ni Nietes sa ginanap na media conference.

Nakaiskedyul na 12-round ang kanilang duwelo sa 108-pound weight division, idinagdag ni Nietes na napakaganda ng kanyang kondisyon at nakapag-sparring siya ng mahigit sa 100 round kontra sa kanyang mga stablemates sa ALA Boxing Gym sa Cebu City.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

“This will be a very good fight as Garcia is also a former world champion. I am not taking anything for granted,” ani Nietes.

Sinabi naman ni WBO Asia Pacific bantamweight champion Villanueva na pamilyar na siya sa boxing style ng kanyang makakatunggaling si Juan “El Penita” Jimenez ng Mexico dahil pinanood na niya ang mga video ng mga dating laban nito kaya alam na niya ang lakas at kahinaan ni Jimenez.

Dapat namang mag-ingat si Milendo dahil hindi niya lubusang napag-aralan ang estilo ni Maximino Flores ng Mexico na late replacement ng orihinal niyang makakasagupa na si Javier “Cobra” Mendoza.

Umatras ang dating Mexican world champion sa kanilang rematch nang mapinsala ang likuran nito habang nagsasanay sa Mexico may dalawang linggo na ang nakararaan. (Gilbert Espena)