Maituturing na isang hiling sa halip na isang panawagan ang nais mangyari ni national men’ s basketball coach Tab Baldwin para sa sambayanang Pilipino, partikular sa mga mapapalad na makakapanood ng live sa MOA Arena sa darating na Manila Olympic Qualifier sa Hulyo.

Ayon kay Baldwin, mas mapapalakas ang loob ng Gilas kung ipakikita ang kanilang pagsuporta at pakikiisa sa Gilas Pilipinas sa pamamagitan ng pagsusuot ng kulay ng ating bansa.

Gustong makita at maramdaman ni Baldwin ang maalab na suporta ng mga Pinoy sa ating national team sa kampanya nitong muling mag-qualify sa Olympics gaya ng napapanood sa telebisyon na pagsuporta ng kanilang hometown crowd sa mga koponang naglalaban-laban ngayon sa NBA playoffs.

“We look at the NBA games this time of the year and we see the whole crowd wearing the same color. And there’s some power in that,” ani Baldwin.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“The players feel camaraderie with the fans.The fact that we’re playing the OQT in Manila,the fans can show their fellowship with the team,” ayon sa American mentor na gumabay din sa New Zealand sa world championship.

At upang maging posible ang gustong mangyari ni Baldwin, magkakaroon ng stalls sa bawat sulok ng MOA Arena kung saan mabibili ang “official Gilas Pilipinas shirts” na gawa ng Melmac Sports na siyang may karapatan para sa Gilas apparel.

Bukod sa pagpapakita ng suporta at pakikiisa sa kampanya ng Gilas lahat ng bibili ng mga Gilas apparels at makakabahagi din sa programang pagtuklas ng mga Batang Gilas sa iba’t ibang panig ng bansa dahil may kabahagi ang grassroots program ng SBP sa kikitain sa pagbebenta ng mga Gilas shirts. (Marivic Awitan)