KATHMANDU (Reuters) – Ilang linggo makaraang yumanig ang pinakamalakas na lindol sa Nepal sa nakalipas na 80 taon, umugong ang kalangitan ng bansang Himalayan sa mga helicopter ng militar na may bitbit na relief goods, mga eroplanong kinalululanan ng mga aid worker, at mga drone.
Nang yumanig ang 7.8 magnitude sa Nepal noong Abril 2015, na nagpaguho sa maraming bahay at istruktura at pumatay sa libu-libong katao, tarantang inalam ng awtoridad ang pinsala at namudmod ng ayuda sa mga survivor.
At makalipas lang ang ilang oras, tumugon ang maraming bansa at aid agencies sa panawagan ng saklolo mula sa gobyernong Nepalese—at kasama sa mga ipinadalang tulong ang mga drone.
Hindi na sa paniniktik lang ginagamit ang mga Unmanned Aerial Vehicle (UAV) ngayon, kundi maging sa pagtukoy sa pinsalang dulot ng kalamidad at sa mga search at rescue mission.
Maging sa Leyte, pagkatapos manalasa ng bagyong ‘Yolanda’ noong 2013, ay ginamit ang mga drone para sa reconstruction efforts, at ngayong El Niño, gamit din ang drone sa pagtukoy sa pinsalang dulot ng matinding tagtuyot.