Nagkabali-bali ang buto sa binti ng isang pulis makaraang sumemplang sa sinasakyan niyang motorsiklo matapos siyang masagi ng isang dambuhalang truck sa Delpan Street, Binondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Sinabi ni PO3 Byron Orate, ng Manila District Traffic Enforcement Unit, na nangyari ang insidente dakong 3:10 ng hapon malapit sa Delpan Sports Complex sa Binondo.

Ayon sa imbestigasyon, nahagip ng Isuzu truck (XKV-126) na may trailer ang kanang bahagi ng likuran ng motorsiklo na minamaneho ni Gary Salcedo, ng Raxabago Police Station.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, wasak ang likurang bahagi ng motorsiklo. Nabalian din sa kanang binti ang pulis matapos siyang tumilapon nang ilang metro, ayon sa imbestigasyon.

National

Maza kay VP Sara: 'Hindi ikaw ang bida dito kundi ang taumbayang kinauutangan mo!'

Isinugod si Salcedo sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center subalit kalaunan ay inilipat sa Philippine Orthopedic Center upang sumailalim sa operasyon.

Samantala, kalaboso naman ang driver ng truck na si Charlito Tugbo habang nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property with physical injury. (Jenny F. Manongdo)