Warriors, abante sa 3-1; Heat, tumabla sa Raptors.

PORTLAND, Oregon (AP) — Nagbalik aksiyon si Stephen Curry mula sa dalawang linggong pahinga para magtala ng NBA-record 17 puntos sa overtime.

At sa natipang kabuuang 40 puntos, sinandigan ng back-to-back MVP ang impresibong 132-125 panalo ng Golden State Warriors kontra Portland Trail Blazers para sa 3-1 abante sa Western Conference best-of-seven semi-finals nitong Lunes ng gabi (Martes sa Manila).

Sa kauna-unahang sabak sa serye mula nang magtamo ng injury sa kanang tuhod sa Game Four ng first-round series kontra sa Houston, mistulang kinalawang ang opensa ni Curry sa unang tatlong period bago nagbalik sa tunay niyang katauhan sa sitwasyong nasa balag ng kabiguan ang defending champion.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nasa plano lamang ni coach Steve Kerr na palaruin si Curry ng hindi lalagpas sa 25 minuto mula sa bench, ngunit napilitang isabak ang three-point king sa second half nang mapatalsik sa laro si Shaun Livingston bunsod ng dalawang technical foul.

Pormal na ipahahayag ng NBA ang pagwawagi ni Curry sa ikalawang sunod na MVP Award sa Martes (Miyerkules sa Manila) at inaasahang tatapusin ng Warriors ang serye sa paglagra ng Game 5 sa Golden State sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nanguna sa Portland si Damian Lillard na may 36 na puntos at 10 assist.

Nakumpleto ni Curry ang fast-break play para sa 120-118 bentahe, may 2:21 sa overtime. Sinundan niya ito ng isang three-point shot bago bumuslo si Harrison Barnes ng layup para hilahin ang bentahe sa 125-118.

Kumubra si Klay Thompson ng 23 puntos.

HEAT 94, RAPTORS 87 (OT)

Sa Miami, umabot din sa extra period ang duwelo ng Heat at Toronto Raptors, ngunit naisalba ng kontrobersyal na si Dwyane Wade ang kampanya para maitabla ang Eastern Conference semi-finals sa 2-2.

Hataw si Wade sa 30 puntos, habang kumana si Goran Dragic ng 15 puntos, kabilang ang three-point play sa huling 22.4 segundo ng overtime para sandigan ang Heat.

Nagharap ang magkaribal na kapwa walang lehitimong player sa center position nang kapwa magtamo ng injury sina Miami’s Hassam Whiteside at Raptors’ Jonas Valenciunas sa Game 3.

Gaganapin ang Game 5 sa Toronto, sa Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nanguna sina DeMar De Rozan at Kyle Lowry na may tig 19 na puntos, habang kumubra sina Terrence Ross at Corry Joseph ng tig-14 puntos.

Naghabol ang Heat sa 77-68 sa kalagitnaan ng second half at nanatiling nasa likuran, 79-72, nang maisalpak ni Lowry ang 15-footer jumper.

Naisalpak ni Wade ang tatlong sunod na baskets para sa 79-77 at nakatulong sa ratsada ng Miami ang pagka-foul out ni Lowry, may 1:58 sa regulation.

Nagtabla ang iskor sa 83-all mula sa layup ni Wade.

Nagmintis si Joseph sa buzzer sa regulation at nalimitahan ang Raptors sa apat na puntos sa overtime.