Hinikayat ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Luie Tito Guia ang mga netizen na maging responsable sa pagpapaskil ng mga mensahe sa social media.

Ito ang inihayag ni Guia kasunod ng kumalat na social media na may mangyayaring dayaan sa halalan ngayong Lunes, sa pamamagitan ng mga vote counting machine (VCM).

Sa kanyang mensahe sa Facebook, ipinaalala ni Guia sa publiko na ang eleksiyon ay para sa mga Pilipino at hindi para sa mga kandidatong sinusuportahan ng mga ito.

“So please, restrain yourself from spreading or sharing posts or statements that will erode people's trust in the election and the institutions involved,” pakiusap ni Guia.

National

Marce, pa-landfall na sa Sta. Ana, Cagayan; malapit nang maging ‘super typhoon’

Hindi nagustuhan ni Guia ang paulit-ulit na pagse-share at pagre-retweet ng mga netizen ng mga ulat na naninira umano sa kredibilidad ng VCM nang hindi muna bineberipika ang katotohanan sa likod ng mga ito.

Kabilang sa mga ulat na una nang kumalat sa social media ang pagkakaiba umano sa naiimprentang pangalan sa voter’s receipt sa aktuwal na nai-shade sa balota.

Isang halimbawa ang ilang insidente umano sa Hong Kong, at maging sa Lanao del Sur at Mati City sa Davao Oriental na sinasabing pangalan ni Mar Roxas ang lalabas sa resibo gayung si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang ibinoto.

Una na itong pinabulaanan ni Comelec Chairman Andres Bautista, sinabing nagberipika na ang komisyon at napatunayang walang katotohanan ang mga naturang ulat.

Sinabi naman ni Guia na kung may anumang concern o katanungan sa VCM ay dapat na agad itong ireklamo sa Board of Election Inspectors (BEIs).

Sa isang tweet naman, itinanggi ni Comelec Spokesman James Jimenez ang mga ulat na may mga balota na may pink na guhit, na sinasabing bibilangin para kay Roxas.

Sa inquiry ng isang netizen sa Twitter, ipinaskil nito ang litrato ng isang balota na walang pink line at isang may pink line sa margin nito. Nakalagay sa caption: “May daya ang may pink!”

Sinabi naman ni Jimenez na walang balotang may pink line, at sinabing halata na photoshopped ang larawan ng balotang may guhit na pink.

“The one on the right is clearly photoshopped. Fake,” tweet pa ni Jimenez.

“We only have one country. We only have one Philippines. Let us all be responsible Filipinos. Itawid natin ang eleksiyon nang sama-sama at maayos. Hindi na ito para sa mga kandidato. Para sa bayan na ito,” sabi naman ni Guia. - Mary Ann Santiago