May tatlong buwan pa bago ang pinakahihintay na Rio Olympics.

Ngunit, ngayon pa lamang ay nagpapamalas na nang kahandaan si Fil-Am runner Eric Cray.

Nabura ng 24-anyos na si Cray ang sariling national record sa naisumiteng tyempo na 49.07 segundo sa Seiko Golden Grand Prix nitong Linggo sa Todoroki Stadium sa Kawasaki, Japan.

Ang isinumiteng oras ni Cray ay mas mabilis sa 49.12 segundo na kanyang naitala sa 400-meter hurdles sa Cayman Invitational sa Georgetown, Cayman Island noong Nobyembre na siyang naging tiket niya para sa Rio Olympics sa Agosto.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sumegunda si Cray sa gold medal winner na si Keisuke Nazawa ng Japan (48.67) habang bronze medalist si Yuki Matsushita (49.10).

Ang pinakahuling pagwawagi ni Cray ay mas mataas sa kanyang huling naabot na ikalimang puwesto sa oras na 50.06 segundo noong 2015 edisyon ng torneo.  

Samantala, napag-alaman kay Jeffrey Richardson, ama at coach ni Kayla na tinaguriang “the Fastest Woman of Southeast Asia” matapos magwagi sa 2015 Singapore SEA Games, na handa itong makasikwat ng slots sa Rio Games.

“Kayla is pursuing her goal of meeting the 200 meter Rio Olympics qualifying standard of 23.20 and is on track to meet that standard,” sambit ng matandang Richardson sa mensaheng ipinadala sa Philippine Amateur Track and Field Association.

Nakatakdang lumahok si Kayla para makamit ang standard sa California Interscholastic Federation (CIF) track field sa Mayo 14 at sa CIF Finals sa Mayo 21. Sasabak din ito sa CIF Masters sa Mayo 28.

“These meets will give Kayla the opportunity to lower her time and hopefully reach the standard,” aniya.

Kapwa US-based sina Cray at Richardson.

Ikinatuwa ni PATAFA President Philip Ella Juico ang posibilidad na mas maraming atleta ang maipadala ng bansa sa Olympics.

“Having four athletes taking part in Rio in 2016 will certainly give athletics a big boost and encourage all stakeholders, especially the corporate sector, to support our team,” sambit ni Juico. (Angie Oredo)