Nagreklamo ang libu-libong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 matapos umalingasaw ang mga palikuran sa pasilidad dahil sa kawalan ng supply ng tubig.

Ayon sa isang pasahero, tumangging magbigay ng pangalan, na gumamit sila ng tabo at balde matapos gumamit ng banyo sa NAIA Terminal 1 dahil sa kawalan ng tubig.

Tumulong na rin ang mga maintenance worker sa pag-iigib ng tubig na inakyat pa sa fourth floor mula sa ground floor gamit ang mga balde upang maibuhos sa toilet bowl matapos gamitin ng mga airline employee.

Sinabi ni NAIA Terminal 1 General Manager Dante Basanta na halos dalawang buwan nang mahina ang daloy ng tubig sa pasilidad at hindi niya batid kung kailan ito babalik sa normal.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Ayon sa airport authorities, iniimbestigahan na ang ulat na gumamit ng substandard pipe material ang DMCI contractor na nakakabit sa mainline ng Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS) na naging sanhi ng low water pressure sa paliparan.

Ayon pa kay Basanta, ipinatawag na niya ang DMCI contractor upang madetermina ang solusyon sa low water pressure subalit hanggang kahapon ay hindi pa ito sumisipot sa kanyang tanggapan.

Matatandaan na naglaan ang administrasyong Aquino ng P1.3 bilyon para sa rehabilitasyon ng NAIA Terminal 1 matapos mabansagan ang pasilidad ng Guide to Sleeping Airport website bilang “world’s worst airport” sa dalawang magkakasunod na taon. (ARIEL FERNANDEZ)