Laro ngayon

(Mall of Asia Arena)

2 n.h. -- NU vs. Adamson (m)

4 n.h. -- FEU vs. La Salle (w)

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Matira ang matibay.

Labanang wala nang bukas ang sitwasyon sa pagtutuos ng National University Bulldogs at Adamson Falcons, gayundin ang duwelo sa pagitan ng La Salle Lady Spikers at Far Eastern U Lady Tams ngayon sa krusyal semifinal match sa UAAP Season 78 volleyball championship sa MOA Arena.

Kapwa naipuwersa ng Adamson at FEU ang ‘do-or-die’ match kontra sa seeded na karibal nang maipanalo ang kani-kanilang laro nitong Sabado.

Inaasahang mas matapang at matikas na Lady Spikers ang papagitna laban sa Lady Tams ganap na 4:00 ng hapon sa larong nakataya hindi lamang ang pride bagkus ang dangal ng bawat isa.

“Kung anumang lakas at diskarte meron kami, kailangan na naming ilabas. We missed the opportunity to make it to the Finals outright, kaya wala kaming dapat gawin kundi ibigay ang todo,” sambit ni La Salle spiker Kim Dy.

Nabalewala ang twice-to-beat na bentahe ng La Salle nang matalo ng Lady Tams, sa makapigil-hiningang five-setter, 15-25, 23-25, 25- 23, 25-21, 16-14.

Naghihintay ang Ateneo Lady Eagles sa championship round.

“Kailangan na naming ibuhos ang lahat. It depends whose team has the big heart in this kind of situation. Basta kami, todo na to,” sambit ni Mika Reyes.

“Syempre malungkot na natalo kami, pero pinag-usapan naman namin na coming out of this dugout kailangan heads up kami kasi babawi talaga kami,” ayon kay Dy, umiskor ng 20 puntos sa kabiguan sa Lady Tamaraws.

Mas kumpiyansa naman ang Lady Tams at ayon kay coach Shaq delos Santos, hahayaan niyang malaglag sa pressure ang karibal.

“Binigyan nila kami ng pagkakataon, so pressure sa kanila wala sa amin,” aniya.

Mauuna rito, magtatangka naman ang Adamson na makumpleto ang upset kontra second seed National University sa muli nilang pagtutuos sa 2:00 ng hapon.

“Excited ako eh, hindi ko akalain. Siguro pati mga bata hindi nila akalain basta naglaro lang sila. Wala naman imposible eh! bilog pa din ang bola,” pahayag ni Falcons coach Domingo Custodio matapos nilang gapiin ang Bulldogs, 23-25, 25-17, 25-21,25-22.

Huling pumasok ng kampeonato ang Falcons noong 1984 kung saan nakumpleto nila ang 3-peat sa second expansion era ng liga. (Marivic Awitan)