Steph Curry (AP)

OAKLAND, California (AP) — Kahit saang anggulo, mapalapit o mapalayo man sa rim, tila magneto na bumubuslo ang bawat bitaw ni Stephen Curry.

Natigil lamang siya nang manakit ang paa at nagdesisyon si coach Steve Kerr na ipahinga na lamang ang reigning MVP sa kabuuan ng second half.

Hataw si Curry sa 24 na puntos para pangunahan ang ratsada ng Golden State Warriors kontra sa Houston Rockets, 104-78, nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) sa opening day ng NBA playoff.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nag-ambag si Draymond Green ng 12 puntos at 10 rebound para sa top-seeded Warriors na higit ang kumpiyansa matapos maitala ang NBA all-time win record No.73 nitong Miyerkules.

Host muli ang Golden State sa Game Two ng kanilang best-of-seven series sa Lunes (Martes sa Manila), ngunit sinabi ni Kerr na walang katiyakan na makalalaro si Curry.

Nanguna si James Harden sa Rockets sa natipang 17 puntos, habang kumubra si Dwight Howard ng 14 na puntos at 11 rebound sa rematch ng West finals na pinagwagihan ng Warriors, 4-1.

THUNDER 108, MAVS 70

Sa Oklahoma City, malinaw ang mensahe nina Russell Westbrook at Kevin Durant sa karibal na Dallas Mavericks.

Kumana si Westbrook ng 24 na puntos at 11 assist, habang humarbat si Durant ng 23 puntos sa dominanteng panalo ng Thunder sa Game 1 ng kanilang Western Conference first round playoff series.

Nagdagdag si Serge Ibaka ng 17 puntos at siyam na rebound, habang kumana si Enes Kanter ng 16 na puntos at 13 rebound para sa Thunder, naglista ng pinakamalaking bentahe sa playoff game mula nang lumipat mula sa Seattle noong 2008-09 season.

Naitala naman ng Dallas ang pinakamasamang laro sa playoff sa kasaysayang ng prangkisa mula noong 1980.

Nanguna si Dirk Nowitzki sa Mavericks sa 18 puntos.

HAWKS 102, CELTS 101

Sa Atlanta, naisalba ng Hawks, sa pangunguna ni Jeff Teague na kumubra ng 23 puntos at 12 assist, ang matikas na pagbalikwas ng Celtics mula sa 19 na puntos na paghahabol sa opening game ng kanilang playoff series sa East.

Nagawang maitabla ng Boston ang iskor sa 88, bago nakaabanteng muli ang Hawks mula sa magkasunod na assist ni Teague para sa layup ni Al Horford at dunk ni Paul Millsap para sa 92-88 bentahe, may 2:56 sa laro.

May pagkakataon ang Celtics na maipilit ang overtime, ngunit sumablay ang 3-pointer ni Evan Turner sa buzzer.

Host muli ang Hawks sa Game 2 sa Martes (Miyerkules sa Manila).

Kumana si Horford ng 24 na puntos at 12 rebound, habang tumipa si Kent Bazemore ng 23 puntos.

Nanguna si Isaiah Thomas sa Celtics sa 27 puntos.

PACERS 100, TORONTO 90

Sa Toronto, ginulat ng Indiana Pacers ang division champion Raptors sa one-sided match ng kanilang playoff opener.

Ratsada si Paul George sa 33 puntos, habang kumana si Monta Ellis ng 15 puntos para sa Pacers.

Ito ang unang pagkakaton na naglaro sa playoff ang Pacers sa nakalipas na anim na season. Kinapos ang Pacers sa playoff sa nakalipas na taon nang ma-injured si George habang nageensayo para sa Team USA ng World Cup.

Nanguna sa Raptors si Jonas Valanciunas na may 12 puntos at 19 rebounds, ngunit na-fouled up. Dismayado naman ang fans sa opensa nina All-Star guard Kyle Lowry at DeMar DeRozan na kapwa bigong makaiskor ng double digit.