DATI, kultura ng pamamalimos lamang ang ikinakapit sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps); ang programang ito ng gobyerno ay kinapapalooban ng dole-outs o pamimigay ng kaukulang ayuda sa mahihirap na pamilya sa iba’t ibang dako ng kapuluan, lalo na sa depressed areas.

Ngayon, sinasabing nababahiran na ng kultura ng pamumulitika ang naturang 4Ps; iniulat kamakailan na ang mga benepisyaryo nito ay pinagbabawalan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na lumahok sa mga rally laban sa gobyerno. Tandisang pinuna ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) ang naturang ahensiya hinggil sa umano’y pamimilit nito sa 4Ps beneficiaries na suportahan ang mga kandidato ng administrasyon. Ang naturang blackmail strategy ay sinasabing laganap sa mga komunidad sa Quezon City, Rodriguez (Rizal) at Camarin (Caloocan City). Hindi ba ang ganitong estratehiya ay mistulang pamimili ng boto mula sa salapi ng mga mamamayan?

Magugunita na ang 4Ps ay malimit maging tampulan ng mga pagtuligsa ng iba’t ibang sektor ng sambayanan. May pagkakataon na ito ay mistulang ginagamit na paglalangis, wika nga, sa mga maralitang pamilya upang sila ay pagpahingahin sa maluluhong resort; upang maitago sa mga prominenteng foreign guest ang mukha ng karalitaan ng lipunan. Hindi ba ganito ang naganap nang dumalaw sa bansa si Pope Francis at iba pa?

Totoo na maraming benepisyaryo ng 4Ps ang nasayaran ng dole-outs ng gobyerno; tumatanggap sila ng buwanang tulong at nabigyan ng edukasyon ang mga miyembro ng pamilyang maralita. Ipinangangalandakan ng administrasyon, lalo na ng DSWD, na sa 4Ps naiuukol ang malaking bahagi ng bilyun-bilyong pisong pondo ng Conditional Cash Transfer (CCT).

Subalit ilang bahagi lamang kaya ng mahigit 100 milyong populasyon ng bansa ang nasasaklolohan ng naturang programa?

Sa bahaging ito nagiging makatuturan ang panukala ng isang kandidato ng oposisyon: ang 4Ps ay kailangang maging 5Ps (Pinalawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Ibig sabihin, dapat masakop nito ang lahat ng sektor ng sambayanan—walang itatangi. At marapat na isabatas ang CCT upang ito ay hindi mabahiran ng kultura ng pulitika at pamamalimos ng habag at pagmamalasakit ng gobyerno. (Celo Lagmay)