Itinayo ng RC Cola- Army ang bandera ng Pilipinas nang pataubin ang Est Cola ng Thailand,25-23, 25-23, 14-25, 25-23 nitong Sabado sa finals ng Philippine Super Liga Invitational Cup, sa San Juan Arena.

Hindi umubra ang sinasabing world class skills at experience ng mga nakababatang Thais sa gulang at karanasan ng mga miyembro ng Lady Troopers na kababalik pa lamang sa PSL matapos ang pagliban sa nakalipas na dalawang taon.

Itinala ni conference MVP Jovelyn Gonzaga ang apat sa huling limang puntos ng laro kabilang na ang title clinching hit para tumapos na may 19 na puntos.

Nag- ambag naman ng 17 puntos si Honey Royse Tubino na siyang tinanghal na Best Open Spiker habang nagdagdag si Rachel Ann Daquis ng 10 puntos sa kabila ng iniindang injury sa kanya-kanyang kanang  balikat.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Karamihan sa mga manlalaro ng Est Cola ay mga dati at kasalukuyang miyembro ng kanilang under- 23 at under-17 squad kaya’t maliliksi ang mga itong kumilos.

“Hindi lang Ito para sa amin siyempre para rin ito sa Pilipinas,” pahayag ni Army coach Kungfu Reyes makaraang magapi ang mga bumisitang Thai.

Nauna nang inangkin ng Petron ang ikatlong puwesto matapos gapiin ang F2 Logistics, 25-22, 26-24, 16-25, 26-24. - Marivic Awitan