Sinabi ng presidential aspirant na si Senator Grace Poe na pakiramdam niya ay tuluyan nang nakalas ang kadena na pumipigil sa kanyang kandidatura sa pagkapresidente kasunod ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa lahat ng kaso ng diskuwalipikasyon laban sa kanya.

Nangampanya sa baluwarte ng kanyang running mate na si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa Sorsogon, sinabi ni Poe na ang desisyon ng kataas-taasang hukuman na nagbabasura “with finality” sa mga motion for reconsideration laban sa desisyon nito noong Marso 8 na nagdedeklarang kuwalipikado siya para kumandidatong pangulo, ay isang kumpirmasyon na tama ang landas na kanyang tinatahak.

“Nagbibigay lang ito ng affirmation na maayos naman talaga ang ating (kampanya), na malakas ang ating (laban). Tama ang desisyon ng SC, kami’y nagpapasalamat sa hustisya na ibinigay nila,” sinabi ni Poe sa mga mamamahayag sa kanyang rally sa isang gymnasium na dinagsa ng mga tagasuporta ng tambalan nila ni Escudero.

Sinabi ni Poe na ang nagbigay din ang pinal na desisyon ng SC ng kalamangan para sa kanya laban sa kanyang mga katunggali.

National

Gatchalian kay Guo: 'See you tomorrow, sana magsabi ka na ng totoo!'

“Para sa akin kasi ang pinakatinitingnan ng ating mga kababayan, higit sa lahat, ay plataporma ng mga tumatakbo at karakter ng mga lider. At nagkataon na may kaso, nakaaberya sa unang pagtakbo natin, pero at least ngayon nawala na ang kadena [na pumipigil] ng ating pangangampanya,” ani Poe.

Nasa rally rin kasama ang kanyang ina na si dating Sorsogon Rep. Evelina “Evie” Guevarra-Escudero, binigyang-diin naman ni Escudero na labag sa batas ang paghahain ng ikalawang motion for reconsideration.

“Puwede nilang gawin pero ibabasura lang ito ng Korte Suprema,” sabi ni Escudero. (HANNAH L. TORREGOZA)