Lumang mga atleta, ngunit bagong resulta para sa Philippine Team.

Sa ikalawang araw ng 2016 Ayala Corp.—Philippine National Invitational Athletics Championships, ang mga beterano at inaasahang atleta ang nagbigay ng tagumpay sa Philippine Team, sa pangungun nina Southeast Asian Games standout Christopher Ulboc at Eli Sunang.

Nadomina ni Ulboc ang men’s 3000-meter steeplechase sa tyempong 9:11.79, habang nakopo ni Sunang, kabiyak ni long jump Queen Marestella Torres, ang gintong medalya sa men’s shot put.

Naibato ni Sunang ang bakal na bola sa layong 15.31 metro sa kanyang unang pagtatangka, habang nakasilver si Albert Mantua (15.00) at bronze medalist si Malaysian Ronmol Andawa (13.6) sa naturang event ng torneo na itinataguyod ng Ayala Corp., sa pakikipagtulungan ng Milo Nutri-up, Philippine Sports Commission, Foton Philippines, PCSO, Summit Natural Drinking Water, Appeton, Asics Watch, at L TimeStudio.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Umagaw naman ng atensiyon ang mga bagitong sina Elbren Neri at Macrose Dichoso, laban sa mga datan na sa kompetisyon.

Ginapi ng 21-anyos na si Neri, pambato ng University of Santo Tomas, si Southeast Asian Games silver medalist Mervin Guarte sa men’s 800-meter run sa tyempong isang minute at 52.5 segundo.

Tumapos lang sa bronze si Guarte nang makuha ni Air Force runner Wenlie Maulas ang silver medal sa tyempong 1:52.9.

“Nahirapan ako kasi 53 seconds ang target ni coach nu’ng first lap (400-meters) pa lang. Eh nag-55 seconds ako,” sambit ni Ner.

Naungusan naman ni Dichoso, education student mula sa University of the East, ang gintong medalya sa women’s 10,000-meter kontra kay dating SEA Games champion Chistabel Martes at Mary Grace delos Santos.

Naitala niya ang 39 na minuto at 27.7 segundo.

“Humabol si Grace sa last 5000, si Martes naman nu’ng 8000 meters. First time ko sila nakalaban. Masaya, exciting, hindi ako makapaniwala na mananalo ako sa kanila,” sambit ni Dichoso.

Sumegunda si Martes may 22.7 segundo ang layo kay Dichoso, habang pangatlo si De los Santos (40:55.6).

Sa iba pang resulta, nagwagi si Fil-American Donovant Arriola sa men’s long jump sa distansiyang 7.48 metro sa ika-anim na pagtatangka laban kay College of St. Benilde’s Julian Reem Fuentes (7.41).

Nagwagi rin si Fil-American Jessica Lyn Barnard sa women’s 800-meter run (2:11.65), kontra kina Neslee Angco (2:22.9) at Vanessa del Valle (2:23.9).

Nakasingit naman si Tiffany Tang ng HongKong sa girls’ high jump (1.69 metro) kontra kina Jelly Parapile (1.66) at Kay Mosqueda ng FEU (1.63).

Hindi pa naubusan ng husay ang 38-anyos na si Rosie Villarito na nagwagi sa women’s javelin throw sa layong 45.83 metro kontra kina FEU’s Evalyn Palabrica (43.55) at Sarah Diquiran ng UST (39.84).