Matikas na sinimulan ng San Beda Red Lions at Adamson University Falcons ang kampanya sa pagsisimula ng 22nd Fr. Martin Cup Summer Basketball Tournament nitong weekend sa St. Placid gym ng San Beda College-Manila campus sa Mendiola.

Tinampukan ng bagitong sina JV Bahio at Calvin Oftana ang ratsada ng Red Lions tungo sa 74-50 panalo kontra Emilio Aguinaldo College Generals, habang nanguna sina Fil-Americans Rob Manalang at Boo Edwards sa hanay ng Falcons para pabagsakin ang Arellano University Chiefs, 82-78.

Sa junior division, hataw si Kerby Dulatre sa natipang 26 puntos, habang kumubra ng 16 puntos si Maui Cruz para sandigan ang EAC-ICA Brigadiers kontra St. Patrick School, 110-46.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakalahok ang St. Patrick School sa suporta ni school vice president Peter Cruz.

Maaga ring nagparamdam ang Sta. Maria-Pampanga cagers nang gapiin ang PACE, 82-77.