CAGAYAN DE ORO - Sa kainitan ng pangangampanya sa bansa, nagtayo ng barikada ang mga armadong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa limang munisipalidad sa Northern Mindanao, kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat ng militar, tinangay din ng mga rebelde bilang bihag ang dalawang pulis at tatlong sibilyan nang magtatag ang mga ito ng barikada sa Talisayan sa Misamis Oritental, at sa Impasug-ong sa Bukidnon.

Kinilala ni Talisayan Police chief Senior Insp. Cecilio Orcullo ang isa sa mga binihag na pulis na si SPO4 Rene Rombo, ng Kinoguitan Police Station.

Aniya, pauwi na si Rombo, sakay sa kanyang motorsiklo nang matiyempuhan sa checkpoint na itinatag ng mga rebelde sa Barangay Mandahilag, may pitong kilometro ang layo sa Talisayan, kahapon ng umaga.

National

143 Pinoy, pinagkalooban ng pardon ng UAE – PBBM

Namahagi rin ng mga leaflet ang mga rebelde sa mga motoristang dumaraan sa roadblock, ayon sa ulat.

Bukod kay Rombo, hinostage din ng NPA ang isa pang pulis at tatlong sibilyan sa Impasug-ong, Bukidnon.

“People caught in at the roadblock informed us the rebels told them they will release the civilians after they make good of their withdrawal,” ayon kay Col. Jesse Alvarez, ng 403rd Infantry Brigade.

Nagmando rin ng roadblock ang mga armadong rebelde sa Manolo Fortich at sa Talakag sa Bukidnon, ayon sa militar. - Froilan Gallardo