Pinabagsak ni Eumir Felix Marcial ang karibal sa men’s welterweight nitong Lunes ng gabi upang pagtakpan ang kabiguan ni Roldan Boncales Jr. sa ginaganap na 2016 AOB Asian / Oceanian Qualification Event, sa Tangshan Jiujiang Sport Center sa Quian’an, China.

Napuruhan ng 22-anyos na si Marcial si Istafanos Kori ng Australia sa matinding kanang bigwas, may 2:21 sa ikatlong round upang itala ang unang Technical Knock-Out na panalo ng delegasyon ng Pilipinas sa torneo na pinaglalabanan ang kabuuang 30 silya sa Rio Olympics.

Bunga ng maigting na panalo ni Marcial, nakasama nito ang lima pang kakampi sa pambansang delegasyon na umakyat sa quarterfinal round matapos magsipagtala ng panalo sina Rogen Ladon, Mario Fernandez, Charly Suarez at ang natatanging babaeng pambato na si Nesthy Petecio.

Habang isinusulat ito ay nakatakdang makasagupa ng No.1 seed sa men’s welterweight (69kg) na si Marcial ang mula Iran na si Sajjad Kazemzadehposhtiri.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Binigo naman ng No.1 seed na si Ladon sa men’s light flyweight (46-49kg) ang nakatapat na si Tosho Kashiwasaki ng Japan sa iskor na 3-0 matapos kumbinsihin ang mga hurado mula sa Great Britain, Kazakhstan at Iran na pawang nagbigay ng puntos na 29-27.

Sunod na makakalaban ng ipinagmamalaki ng Negros Occidental na si Ladon para sa silya sa semifinals si Hasan Ali Shakir Al-Kaabi ng Iraq.

Sasagupain naman ng Singapore SEA Games gold medalist na si Mario Fernandez sa men’s bantamweight (56kg) si Mohammad Alwadi ng Jordan.

Una nang tumuntong sa quarterfinals ang Incheon 2014 Asian Games silver medalist na si Charly Suarez sa men’s Lightweight class (60 kg) matapos talunin ang Chinese Taipei na si Chu-En Lai. Sunod na makakasagupa ni Suarez ang mula sa India na si Dheeraj.

Makakatapat naman ni Nesthy Petecio sa women’s flyweight (48-51kg) ang seeded No.1 at limang beses na tinanghal na kampeon na si Mery Kom Hmangte na pinakamatindi na nitong pagsubok sa inaasam nitong pagtuntong sa Olympics.

Napatalsik sa torneo sa men’s flyweight (52kg) ang nagbabalik na si Roldan Boncales Jr. matapos makalasap ng 0-3 kabiguan kontra kay Olzhas Sattibayev ng Kazakshtan. Dalawang hurado ang umiskor ng 28-29 habang isa ang nagbigay ng 27-30 kontra kay Boncales. (Angie Oredo)