Muling nagbalik sa koponan ng Azkals si dating national coach Jose Ariston Caslib o mas kilala bilang Aris Caslib para sa darating na Asian Cup at World Cup Qualifying.

Kinuha si Caslib ni headcoach Thomas Dooley bilang chief deputy at magsisimula ito ngayong araw sa pagsabak ng Azkals kontra Uzbekistan sa Tashkent para sa World Cup Qualifying.

Si Caslib na kasalukuyang Philippine Football Federation’s technical director ay kasama ng koponan na nagtungo ng kapitolyo ng Uzbekistan noong Sabado.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Dati rin siyang head coach ng San Beda College sa NCAA kung saan ginabayan niya ng Red Booters sa walong sunod na kampeonato na wala isa mang talo.

Ayon kay Dooley, malaki ang maitutulong ng dating Azkals coach sa koponan partikular sa paggabay sa mga kabataang manlalaro na nasa team.

“He is definitely a big help with his knowledge of the younger players and his experience coaching in the Asian level,” ani Dooley.

Si Caslib ang ipinalit sa dating assistant ni Dooley na si German coach Sebastian Stache.

Dalawang beses na hinawakan ni Caslib ang Azkals, una noong 2005 Southeast Asian Games sa bansa at noong 2009 Challenge Cup na ginanap sa Maldives. (Marivic Awitan)