NAGSIMULA na ang panahon ng tag-init nitong Biyernes, Marso 18. Samakatuwid, tipid tayo sa paggamit ng kuryente. Tipid sa tubig upang maiwasan ang naspu-naspu kapag mahina ang tubig sa gripo. Paalala sa kabataan, at maging sa matatanda, mag-ingat ngayong bakasyon, lalo na sa paliligo sa beach o dagat, upang maiwasan ang pagkalunod.

***

Batay nga pala sa huling ulat, mahigit sa 26 na milyong Pinoy ang nananatiling naghihirap sa kabila ng pahayag ng mga pinunong nasa likod ng “Tuwid na Daan” na umunlad na ang Pilipinas sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon at marami na ang may trabaho, sapat ang pagkain sa hapag ng pamilyang Pilipino.

Mr. President, Mr. Butch Abad, Mr. Mar Roxas, alam ba ninyong mahigit pa umano sa 12 milyon ang “living in extreme poverty and lacking the means to feed themselves.”? Kung ganoon, nasaan ang ipinagmamalaking mga trabaho na likha ng “Tuwid na Daan” administration? At heto pa ngayon ang may 1.2 milyong bagong graduate na maghahanap ng trabaho.

Dahil sa kautusan ng Supreme Court (SC) sa Commission on Elections (Comelec) na lumikha ng voter’s receipt, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na baka tumagal ang botohan o kaya naman ay maantala ang eleksiyon mula Mayo 9 at gawin na lang sa Mayo 23. Mang Andres, kaya pala lumutang ang bagong vocabulary word (salita) na PO-EL na ang ibig sabihin ay postpone the election o ipagpaliban muna ang halalan sa Mayo 9.

Nais paalalahanan ni Tata Berto si Mang Andres na hindi ganoon kadali ang PO-EL dahil hindi basta-basta maipagpapaliban ang halalan sapagkat ito ang nakalagay na petsa sa batas. Tanging ang Kongreso ang makapagpapabago sa petsa ng halalan at kailangan din ang imprimatur ni PNoy upang kumilos ang Kongreso para talakayin at mapagtibay ito.

Sapagkat walang magagawa si Chairman Bautista kung hindi sumunod sa utos ng SC, handa raw silang magbigay ng resibo sa botante. Gayunman, sinabi niyang hahaba ang oras ng botohan na dapat sana’y magsimula ng 8:00 ng umaga at magtatapos ng 5:00 ng hapon. Pinaghahanda na rin ni Mang Andres ang Comelec upang bumili ng 100,000 pares ng gunting at plastic receptacles na paghuhulugan ng resibo.

Ang mga gunting ay gagamitin sa paggupit sakaling maipit ang papel o paper jams. Bawat gunting ay nagkakahalaga ng tig-P12 (o P1.2 milyon) samantalang ang receptacles ay tig-P300 o P27.75 milyon. Sa ngayon si Mang Andres ay tinatawag ng mga netizen bilang “Andy Scissorhands” o Andy Manggugupit. Aba, panibagong vocabulary word na naman ito!

(Bert de Guzman)