Hindi na umabot nang buhay ang isang 55-anyos na lalaki makaraang sumpungin ng tuberculosis habang naghihintay ng masasakyang taxi patungo sa ospital sa Pasay City, nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ng Pasay City Police ang pasyente na si Benjamin Naife, nangungupahan sa isang bahay sa Barangay 152, Zone 20, Interior EDSA sa Malibay, Pasay City.

Sinabi ni SPO2 Joel Landicho na nalagutan ng hininga si Naife dakong 5:00 ng hapon sa tapat ng barangay hall habang naghihintay ng taxi na kanyang sasakyan papunta sa ospital.

Ayon kay Lornalyn Budlong, 39, roommate ng biktima, nakarinig siya ng malakas na kalabog sa silid ni Naife. Nang magtungo siya rito, nakita niya si Naife na sumusuka ng dugo, at sapo ang dibdib habang gumagapang sa sahig.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Agad na kinarga ni Budlong si Naife at dinala sa barangay hall upang humingi ng tulong.

At dahil rush hour, walang makuhang taxi si Budlong na naging mitsa ng kamatayan ng kanyang kaibigan.

Dinala ang labi ni Naife sa Rizal Funeral Homes. (Martin A. Sadongdong)