NAGBABALA ang isang United States Navy commander na napakalawak ng magiging epekto sakaling mawala sa Amerika ang access sa pandaigdigang karagatan na inaangkin ng China sa South China Sea. At hindi lang sa usaping militar ang pinag-uusapan dito.

Sinabi ni U.S. Pacific Fleet commander Adm. Scott H. Swift sa kumperensiya kahapon tungkol sa Indo-Pacific maritime security na ang paglalayag ng mga barkong pandigma sa mga operasyon tungkol sa malayang paglalayag sa mga pinag-aagawang karagatan ay “not a naval issue”.

Ayon kay Swift, ang malaking usapin dito ay ang magiging epekto nito sa pandaigdigang ekonomiya at sa mga umiiral na international law.

Gayunman, sinabi niyang hindi umaasa ang Amerika na mangyayaring mawalan ng access ang Washington sa South China Sea—na bukod sa China ay inaangkin din ng Pilipinas, Taiwan, Vietnam, at iba pang mga bansa.

Matatandaang ginalit ng U.S. Navy ang China sa pagpapadala ng mga barkong pandigma malapit sa mga artipisyal na isla, na itinayo ng Beijing at kinabibilangan ng mga airstrip at ilang radar station.

Hindi inaangkin ng Amerika ang alinmang bahagi ng South China Sea, ngunit iginiit na tungkulin nitong tiyakin ang malayang paglalayag sa nabanggit na karagatan, at isinusulong ang payapang resolusyon sa agawan sa teritoryo.

Sinabi ni Swift na may “palpable sense” na nagbabalik sa rehiyon ang ugaling “might makes right” makalipas ang 70 taon ng seguridad at katatagan ng rehiyon simula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Habang itinataguyod ng Amerika ang presensiyang militar nito sa Asia, sinabi ni Swift na hindi nangangailangan ng karagdagang U.S. naval facilities sa mga bansang gaya ng Australia.

“There’s no real necessity, in fact it become a facilities burden, if we were to expand in some other way. That’s not something that I would support,” sabi ni Swift.

Pinaiigting ng Australia ang ugnayang pangdepensa nito sa United States, ang pinakamahalaga nitong kaalyado, habang lumalala ang tensiyon at militarismo sa South China Sea. (Associated Press)