Naghain ng kasong kriminal ang isang dating miyembro ng Sexbomb dancers laban sa kanyang asawa at mga biyenan sa Caloocan City kamakalawa, dahil sa umano’y pananakit at pagbabanta sa kanya.

Kasama ang ilang kinatawan ng Gabriela Party-list, personal na nagtungo si Sugar Mercado sa Caloocan City Regional Trial Court (RTC) upang maghain ng kaso laban sa kanyang asawa na si Kristoffer Jay Go dahil sa ilang ulit na pananakit at pagbabanta sa kanya.

Kinasuhan din ni Mercado ang mga magulang ni Kristoffer na sina Peter at Esther Go dahil sa pakikipagkutsabahan umano ng mga ito sa kanilang anak.

Una nang naghain ng kahalintulad na kaso si Sugar sa Quezon City RTC nitong 2015 dahil nangyari din ang pananakit at pananakot sa kanya ng mga Go sa kanilang bahay sa Caloocan City.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

“Hindi po kami aatras sa kabila ng mga pananakot nila sa akin at sa pamilya ko. Nais kong maging magandang halimbawa sa mga kababaihang nakakaranas ng pang-aabuso. Lalaban po ako,” pahayag ni Mercado.

Bitbit din ni Sugar ang ilang larawan, na nagpapakita ng mga pasa sa kanyang katawan bunsod ng pambubugbog umano ni Go. Ang dalawa ay ikinasal noong 2011. (Jel Santos)