SA reunion ng tinaguriang “occasional movie writers” ng dekada ‘60, mistulang iniyakan nila ang nanlulupaypay na mga pelikulang Pilipino. Kapansin-pansin sa mga nabubuhay pang miyembro ng naturang grupo ang madalang na produksiyon ng mga katutubong pelikula na kinagigiliwan ng ating mga kababayan sa nakalipas na mga dekada.

Ang paglupaypay ng mga pelikulang Pilipino ay hindi nangangahulugan ng pagbulusok ng kalidad ng mga pelikula. Hindi kumukupas ang kasiglahan, katalinuhan, kakayahan, at matatag na determinasyon ng mga haligi ng pelikula sa pagpapaligaya sa mga manonood. Naririyan pa rin ang magagaling na nobelista, direktor, scriptwriter at cameramen na pawang mga henyo sa paggawa ng may kalidad na pelikula. Higit sa lahat, naririyan pa rin ang mga movie producer na laging nagsisikap sa paglalaan ng puhunan para sa naturang makabuluhang misyon.

Nakapanlulumo nga lamang at ang ating movie industry ay ginigiyagis ng mga problema. Patuloy ang pagdagsa sa bansa ng mga pelikulang dayuhan. Ang mga ito ay labis namang tinatangkilik ng ating mga kababayan, lalo na yaong may mga isipang kolonyal o colonial mentality na nagkukunwaring naaalibadbaran sa panonood ng mga pelikulang Pilipino. Higit nilang tinatangkilik ang mga panooring karapat-dapat sa Oscar Awards kaysa sa mga pelikulang para sa FAMAS Awards.

Tulad ng binibigyang-diin ng mga sinaunang movie writer, ang mga pelikulang Pilipino ay maihahanay sa katangi-tanging foreign films. Ang ‘Igorota’, halimbawa, na ginampanan ng premyadong si Charito Solis ay hinangaan sa daigdig. Gayundin ang pelikulang ‘Sino ang Maysala’ ni Romeo Vasquez, at marami pang iba. De-kalidad ang mga panooring nilikha ng Sampaguita Pictures, LVN Pictures, Premier Productions, FPJ Productions. Pati ang mga kasalukuyang movie outfit na tulad ng Regal, Viva, Star Cinema, Seiko, at GMA ay gumagawa rin ng quality films.

Dangan nga lamang at madalang na ang kanilang produksiyon.

Kailangan ngayon ng pagsaklolo ng gobyerno sa pagkakaloob ng entertainment subsidy. Kaakibat ito ang pagpapababa sa entertainment taxes na kinakaltas sa mga movie producer. Sa gayon, maiiwasan ang pagslupaypay ng mga katutubong pelikula na simbolo ng kultura at sining ng bansa. (CELO LAGMAY)