HINDI pa man naililibing si Direk Wenn Deramas, namatay din si Direk Francis Xavier Pasion na ang huling project ay ang On The Wings of Love na pinagtulungan nilang idirehe ni Antoinette Jadaone.
Parehong heart attack ang ikinamatay nina Direk Wenn at Direk Francis kaya pinag-iingat ngayon ang aktor na may sakit din sa puso dahil sobrang wagas din kung makapagtrabaho, akala mo ay wala nang bukas.
Hindi sinasadyang nabanggit sa amin ng aming source habang nagkukuwentuhan kami tungkol sa mga artistang lagare sa trabaho na dapat ay magbawas na ng load dahil hindi naman daw nila madadala sa kabilang buhay ang mga kinikita nila.
“Actually, marami tayong mga artista na may mga sakit na, hindi pa lang sila tinatamaan, pero ‘yung iba panay ang exercise, healthy living at dahil aware sa kinakain nila, at maski nagpupuyat wala silang trabaho the following day.
“At ‘yung iba walang bisyo, like Luis Manzano, hindi nagpapabaya sa katawan niya, at maski na nakikita mong pitong beses sa isang linggo sa TV, healthy pa rin kasi naglalaan siya ng oras para sa sarili niya.”
At nagulat kami nang banggitin niya ang pangalan ng aktor na hindi namin papangalanan.
“Si _____ (aktor), ‘pag hindi siya nag-ingat, baka mag-trigger ulit ang sakit niya sa puso. Kaya nga siya nawala before dahil ginamot siya, ewan ko lang kung ano na ang estado ng health niya. Lalo na’t sunud-sunod ang puyat niya, hindi dapat niya sinasagad ito, ‘tapos panay pa ang gimik,” sabi ng kausap namin.
Sa ibang bansa pa pala nagpagamot ng sakit sa puso ang actor, pero hindi nabalitaan dahil hindi naman siya masyadong sikat noon. But since napapansin na siya ngayon, dahil dumarami na ang projects, kailangan daw nitong mag-ingat or else mapupunta sa wala ang lahat ng pinaghihirapan niya.
“Hindi naman halatang may sakit siya, di ba, kasi ang sigla niya at saka laging masaya, parang walang problema. Sana ingatan niya sarili niya at sana nga magaling na talaga siya,” sabi sa amin. (Reggee Bonoan)