CABANATUAN CITY - Extortion ang sinisilip ng pulisya na motibo sa panununog sa isang pampasaherong bus na nakaparada sa compound ng Five Star Bus Company sa gilid ng Emilio Vergara Highway sa Barangay Sta. Arcadia sa lungsod na ito.

Sa ulat ni Supt. Joselito Villarosa sa tanggapan ni Cabanatuan City Mayor Julius Cesar Vergara, sinilaban ng mga suspek ang nakagarahe na kinukumpuning bus (PWZ-993), na may body number 5109.

Nabatid sa pagsisiyasat ni SPO1 Joel Mendoza na dakong 7:00 ng gabi nang dumating sa garahe ng bus company ang walong armadong lalaki, na sakay sa isang Grandia van na walang plaka.

Agad tinutukan ng baril at dinisarmahan ng mga suspek, na nakasuot ng jacket na may tatak na NBI, ang security guard ng kumpanya bago binuhusan ng gasolina ang tatlong bus sa garahe. Agad namang naapula ang sunog, kaya hindi nagliyab ang dalawa pang bus. (Light A. Nolasco)

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog