Nate Diaz and Conor McGregor
Nate Diaz and Conor McGregor

LAS VEGAS (AP) – Walang kinatatakutan. Hindi umaatras sa anumang laban si UFC featherweight champion Conor McGregor.

Ngunit, isang pagkakamali ang umakyat ng dalawang weight class para patunayan ang kakayahan at lakas ng tanging mixed martial art (MMA) fighter na tumanggap ng milyong dolyar na premyo.

Laban sa matikas at regular na welterweight fighter na si Nate Diaz, natamo ni McGregor ang masaklap na kabiguan sa kanyang career – via submission – sa kanilang world welterweight title fight sa UFC (Ultimate Fighting Championship) 196 nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila), sa MGM Grand Garden Arena.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Naitala ni Diaz ang tap out ni McGregor may 4:12 sa ikalawang round.

“I knew it was going to be a war,” sambit ni Diaz (19-11). “If I’m not in the best shape, I gotta start slow, save my energy, and then pick it up.”

Tulad nang inaasahan, pinanabikan ng mga tagahanga ang laban bunsod ng palitan ng maaanghang na salita ng dalawa sa pre-media conference, gayundin ang muntik na nilang pang-abot matapos magkapikunan sa weigh-in nitong Biyernes.

Gimik man ang lahat o dala nang determinasyon ng dalawa na mangibabaw sa laban, umani ito ng suporta sa mga MMA fans, gayundin sa pay-per-view.

Maagang nadomina ni McGregor ang tempo ng laban sa opening round kung saan kaagad nitong napaputok ang kanang kilay ni Diaz. Ngunit, kahit duguan, nagawa nitong pangalugin ang tuhod ni McGregor nang bigyan niya ito ng solid punch sa panga. Natiyempuhan ni Diaz ang paa ni McGregor, dahilan para mawalan ito sa balanse na sinamantala ni Diaz para sa sunud-sunod na patama sa mukha nang nakahandusay na kampeon.

Tinangka ni McGregor na kunin ang panalo via takedown, ngunit lalong napasama ang kanyang posisyon at nagawa ni Diaz na makaposisyon nang tama para pasukuin ang high-profile na karibal. Ito ang ika-12 panalo ni Diaz via submission.

Hindi naman nagdahilan si McGregor at agad na tinanggap ang pagkatalo.

“I took the chance,” pahayag ni McGregor, napabalitang tatanggap ng isang milyon sa laban.

“I thought I took first round, I was inefficient with my energy. I respect Nate, he took the punch. These things happen in MMA. I took a chance and it didn’t work out,” aniya.

Nakatakda sanang labanan ni McGregor sa kanyang pag-angat ng timbang si lightweight champ Rafael dos Anjos, ngunit umatras ito, dalawang linggo bago ang takdang laban bunsod ng injury sa paa.

Napili ng organizer si Diaz sa laksang kandidato para sa laban na kinabibilangan din ng isa pang superstar na si Donald Cerrone.

Holly Holm

Naging maiksi naman ang pagrereyna ni Holly Holm sa UFC women’s bantamweight division na pitong beses naipagtanggol ni Ronda Rousey bago ang pagkasilat sa una.

Inagaw ni Miesha Tate ang korona sa kahanga-hangang rear-naked choke sa ikalimang round ng duwelo. Naitala ni Tate ang panalo may 3:30 sa final round.

“I knew I had to finish the fight,” pahayag ni Tate (18-5). “I knew I had to be perfect in the fifth round.”

Nagawang madomina ni Holm (10-1) ang laban sa unang bahagi at tila nangangamoy ang panalo nang maiwasan niya ang bawat pagtatangka ni Tate na takedown. Sa huling ratsada ni Tate, hindi na nakaiwas ang kampeon.

Bunsod ng panalo, napatunayan ni Tate, dating Strikeforce champion at bahagi ng pag-angat ng women’s MMA na solong naibigay lamang kay Rousey. Matapos ang kabiguan kay Rousey sa UFC 168, nangako si Tate para sa kampeonato nang magwagi kontra Jessica Eye. Subalit, imbes na ilaban kay Rousey, si Holm ang pinili ng UFC na suwerte namang nakasilat via knockout sa UFC 193.

“I feel like we had a great game plan,” pahayag ni Tate.

“I had to be patient. She’s very dangerous. She’s capable of catching anyone at any moment. She’s a very calculated fighter.”