Pinuri ng mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang taxi driver na nagpamalas ng katapatan makaraang isauli nito ang dalawang trolley bag, na naglalaman ng mahahalagang bagay, sa pasahero na nakaiwan nito sa kanyang sasakyan sa NAIA Terminal 4 sa Pasay City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Airport Police Lt. Nestor Alejandria ang honest taxi driver na si Emilio Q. Balhim, ng Harurot Taxi (UVM-492).

Ayon kay Balhim, dumating ang pasaherong si Analiza Valdez sa NAIA Terminal 4 mula sa Kalibo, Aklan lulan ng Zest Air flight Z2 273 at sumakay sa kanyang taxi dakong 8:40 ng gabi nitong Sabado.

Nagpahatid si Valdez sa Five Star bus terminal sa Pasay City at nang bumaba na sa taxi ay naiwan niya ang dalawa niyang trolley bag sa back seat ng sasakyan.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Napansin lang ni Balhin ang mga naiwang gamit ni Valdez nang magsakay siya ng panibagong pasahero.

Humingi ng paumanhin ang taxi driver sa bagong pasahero at nagpaalam na babalik siya sa NAIA upang ibalik ang mga bag na naiwan ni Valdez.

Sa tulong ng airport police, natukoy ang pagkakakilanlan ni Valdez at agad itong ipinatawag upang kunin ang kanyang dalawang trolley bag.

Dahil sa matinding tuwa ni Valdez kay Balhim, hinalikan niya sa pisngi ang honest driver sa harap ng mga airport police at usisero. - Ariel Fernandez