Tumestigo kahapon sa 2nd Division ng Court of Tax Appeals (CTA) ang ina ni boxing champion at Sarangani Rep. Manny Pacquiao na si Dionisia “Mommy D” Pacquiao kaugnay sa reklamo nito laban sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa kanyang pagsalang sa witness stand, pinanindigan ni Mommy Dionisia na wala siyang kinikita ngunit naghain pa rin ito ng kanyang income tax return (ITR) sa tulong ng isang book keeper noong 2010.

Matatandaang naghain si Mommy Dionisia ng kanyang petisyon sa CTA kung saan kinukuwestiyon nito ang assessment ng BIR-Region 18 noong Mayo 2015 matapos igiit ng ahensiya na posibleng may tax liability ito na aabot sa P1.6 milyon para sa taong 2010.

Nilinaw nito sa kanyang petisyon na walang karapatan ang BIR na imbestigahan ito dahil wala naman siyang kita at tumatanggap lamang ito ng allowance sa anak na boksingero.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Nauna nang inihayag ni BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares na wala silang inihahain na kasong tax evasion laban sa ina ng kongresista sa kabila ng natuklasan ng BIR –Region 18 na hindi magkakatugma ang tax payment nito.

Naiulat na sinimulan ang imbestigasyon ng BIR laban kay Dionisia sa posibleng pagkakautang nito ng buwis noong 2013 na kasagsagan naman ng usaping hindi pagbabayad ng P2.2 bilyong buwis ni Manny Pacquiao. (Rommel P. Tabbad)