Inihayag ng isang opisyal ng Pilipinas kahapon na kamakailan lamang ay namataan niya ang limang pinaghihinalaang barko ng Chinese coast guard sa pinagtatalunang atoll sa West Philippine Sea (South China Sea) at nangangambang kokontrolin ng China ang isa pang lugar na madalas puntahan ng mga mangingisdang Pilipino, Vietnamese at Malaysian.

Sinabi ni Mayor Eugenio Bito-onon Jr., namumuno sa rehiyong inaangkin ng Pilipinas sa Spratly Islands, na nakita niya ang mga barkong Chinese sa Quirino Atoll (Jackson Atoll) nang dalawang magkakasunod na araw nitong nakaraang linggo habang lumilipad sakay ng eroplano sa lugar.

Binanggit ni Bito-onon na sa mga nakalipas na taon na dumaraan siya sa hugis singsing na reef na walang naninirahan, ay hindi nakaistasyon ang mga barko ng gobyerno ng China roon.

Ang Quirino Atoll ay ilang kilometro ang layo mula sa Mischief Reef na inaangkin ng Pilipinas, na inokupa ng China noong 1995 at ginawang isla na ngayon ay pinatayuan ng runway. Ito ay nasa gitna ng kanlurang probinsiya ng Palawan at ng Pag-asa Island (Thitu Island), na okupado ng mga Pinoy, sa Spratlys.

DSWD, ‘to the rescue' sa viral PWD na kinuyog sa EDSA carousel

Sinabi ng Department of Foreign Affairs sa Manila na beneberipika na nito ang iniulat na presensiya ng mga barkong Chinese. Samantala, isang lokal na pahayagan ang nag-ulat na kamakilan ay hinarang ng mga barkong Chinese ang mga mangingisdang Pinoy na patungo sa lugar. Wala pang komento ang mga opisyal ng Chinese Embassy.

“I’m alarmed because we frequently pass by that atoll on our way to Pag-asa,” pahayag ni Bito-onon sa The Associated Press sa telepono. Madalas siyang bumibiyahe sa lugar para bisitahin ang komuniddad ng mga mangingisdang Pinoy roon na binabantayan ng mga sundalo. “What will happen now if we sail close with all those Chinese ships?”

Sa loob ng maraming taon ang mga mangingisdang Pinoy, Vietnamese at Malaysian ay nagtutungo sa mayamang fishing lagoon ng Quirino Atoll, ayon kay Bito-onon, idinagdag na inaabangan ng mga mangingisdang Pinoy ang pagsisimula ng panahon ng panghuhuli ng mga octopus sa susunod na buwan.

Bukod sa China at Pilipinas, mayroon ding inaangking lugar sa Spratlys ang Vietnam, Malaysia, Taiwan at Brunei.

(Associated Press)