ronda copy

Carino, wagi sa stage 5; Morales, kampeon sa Mindanao leg ng LBC Ronda Pilipinas.

MALAYBALAY, Bukidnon – Tinupad ni Jan Paul Morales ang binuong pangarap sa ‘Lupang Pangako’ nang tanghaling kampeon sa Mindanao leg ng LBC Ronda Pilipinas, kahapon sa Malaybalay City Plaza.

Wala nang seryosong banta para sa korona na nasiguro ng 30-anyos na rider mula sa Calumpang, Marikina nang dominahin ang Stage 4 Individual Time Trial sa Dahilayan Forest Park sa Manolo Fortich, ngunit, matikas pa rin ang ginawang pagbabantay ng kanyang mga kasangga sa Philippine Navy-Standard Insurance para masiguro ang maayos niyang biyahe para sa minimithing tagumpay.

Kahayupan (Pets)

Asong inabandona sa paradahan ng tricycle noon, 'poging-pogi' na ngayon

“Napaka-espesyal nitong panalo na ito at iniaalay ko sa pamilya ko, lalo na sa misis ko na si Lennie. Bago ako umalis ng bahay, sabi ko sa kanya ireregalo ko sa kanya ang titulo,” pahayag ni Morales, ama sa apat na supling.

Tumapos na lamang sa ikalimang puwesto si Morales sa tiyempong 1 oras, 9 na minuto at 20.24 segundo sa final stage na pinagwagihan ng katropang si Joshua Carino (1:08:26.01).

Kinumpleto ng Navymen ang ‘sweep’ sa final race nang semegundo si Lloyd Reynante (1:08:37.08), kabuntot si Rudy Roque (1:08:37.22), habang ikaapat si two-stage winner Ronald Oranza (1:09:20.54).

“The feeling is different because this is my first multi-stage win,” sambit ni Morales.

Pinasalamatan din niya ang kanyang teammate sa Philippine Navy.

“I wouldn’t have done it without my family and my Navy team,” aniya.

Sa kabuuan ng five-stage leg, nakapagtumpok si Morales ng 55 puntos, 13 puntos ang bentahe kina Oranza at Reynante, kapwa tumapos na may tig-42 puntos.

Dahil sa dalawang stage na panalo, nakuha ni Oranza, ang Navy skipper, ang ikalawang puwesto sa overall classification.

Naging dramatiko ang paglalayag tungo sa tagumpay ni Morales, na naghabol matapos ang unang dalawang stage at makabangon mula sa tinamong sugat sa insidente kung saan nagkabanggaan ang bisikleta nila ni Oranza sa second stage na matikas niyang tinapos bilang runner-up.

Nakuha niya ang red jersey, simbolo ng pangunguna, sa unang ratsada pa lamang ng karera, ngunit, napalawig niya ang bentahe matapos ang dominanteng ratsada sa Stage Three sa Pueblo de Oro, Cagayan de Oro City kasunod ang panalo sa Manolo Fortich.

Bukod sa titulo, maiuuwi rin ni Morles bilang pasalubong sa pamilya ang tumataginting na P116,000, kabilang ang P50,000 bilang LBC Leg champion.

Dinomina ng Navy ang Minda leg kung saan nakamit nila ang walong puwesto sa top 10 ng overall classification, tampok sina Morales, Oranza at Reynante sa podium finish, kasama rin sina Daniel Ven Carino (35 puntos), Roque (34), El Carino (26), Joel Calderon (26) at John Mark Camingao (15).

Tanging sina Team LBC-MVP Sports Foundation Ronnilon Quita at Team LCC Lutayan’s James Paolo Ferfas ang nakasingit sa top 10 na may 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Lilipat ang karera, sanctioned ng PhilCycling, at itinataguyod ng LBC, LBC Express, Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron, Versa Radio-Tech 1 Corp., Maynilad at NLEX, sa Visayas sa unang linggo ng Marso.

Nakamit naman ni Jhon Mark Camingao ang Petron Overall Local Hero award, habang naiuwi ni Reynante ang King of the Mountain title. Ang ASG Green Sprinter Jersey ay napunta kay Morales. (ANGIE OREDO)