JaDine

Ni REGGEE BONOAN

NGAYON lang kami nakapanood ng concert na simula umpisa hanggang katapusan ay kinikilig ang lahat ng nanonood.

Pawang OTWOLISTA kasi ang mga nanood na talagang botong-boto kina James Reid at Nadine Lustre.

Tsika at Intriga

Negosyo, nalugi! Ken Chan, 'di raw tinatakbuhan isinampang kaso sa kaniya

Realistic ang dating ng JaDine In Love concert, at ito siguro ang dahilan kaya kilig to the max ang audience. Pati nga mga lalaki na kasama ang girlfriend nila, napapangiti rin kina James at Nadine.

Maagang nagsimula ng JaDine In Love concert, 8:10 PM pa lang, kaya marami ang na-late -- iyong mga nasanay na 8:30-8:45 ang simula ng concert sa Araneta Coliseum.

Bago lumabas ng entablado ang JaDine ay si Daryl Ong muna ang kumanta at okay naman ang produkto ng The Voice.

Paglabas nina James at Nadine, kinanta nila ang We Found Love (Rihanna/Calvin Harris) at Forever kasama ang G-Force 2. 

Rebelasyon sa concert na marunong palang tumugtog ng piano si James sa awiting Marvin Gaye ni Charlie Puth.

Gustung-gusto namin ang acoustic arrangement sa classic songs na kinanta nina James at Nadine na Can’t We Stop and Talk A While/ Beautiful In My Eyes at ang It Might Be You.

Grabe ang walang humpay na hiyawan ng audience, kasi naman habang kumakanta ang dalawa ay magkalapit ang mga mukha at kulang na lang ay mag-kiss.

At dahil magaling naman talagang sumayaw si James kaya nagpakitang-gilas siya ng ilang dance steps ni Michael Jackson. Ang ganda rin ng porma niya na habang papaakyat sa entablado ay hawak ang lumang mikropono na black and white ang backdraft at saka kinanta ang original song niyang Huwag Ka Nang Humirit kasama ang G-Force.

Pagkatapos ay enter naman si Nadine na Katy Perry ang peg, pero Anticipating ni Britney Spears ang kinanta at ang awitin niyang Para-Paraan kasama ang G-Force.

Hindi nakalimutang isama ni Nadine ang sinasabi niyang best friends niya sa showbiz kahit wala pa silang mga pangalan noon, sina Yassi Pressman at Myrtle Sarrosa.

Nagkabukingan na mahilig din palang mag-cosplay si Nadine at kasa-kasama niya noon si Myrtle, kaya nagkalapit silang dalawa. Kahit ngayong busy na silang tatlo, hindi sila nawawalan ng komunikasyon at inamin din ng huli na naging shoulder to cry on niya si Nadine noong brokenhearted siya sa anak ni Sen. Grace Poe–Llamanzares na si Bryan.

Sing and dance ang tatlong dalaga na mala-Spice Girls sa awiting Spice Up Your Life at Wannabe with their futuristic outfits.

Nag-ala-Jennifer Lopez si Nadine sa awiting Get Right kasama uli ang G-Force at kahit kulang sa pitik ang dalaga ay okay na para sa amin.

Kinanta rin niya ang Kanlungan na alay niya sa kanyang lola na nag-alaga sa kanya at hindi na niya kasama ngayon kaya naiiyak ang dalaga habang kumakanta.

Pagkatapos ng madamdaming production number ni Nadine ay nagpakitang gilas ulit sa pagsayaw si James sa awiting Love Never Felt So Good (duet nina Justin Timberlake at Michael Jackson) at Rock With You (Michael Jackson) kasama ang G-Force.

Napakaseksing sumayaw ni James, isa ito sa mas lalong nagpapatingkad sa kaguwapuhan at dating niya sa entablado na gustung-gusto naman ng OTWOLISTA na hindi yata namamaos sa kahihiyaw sa kanya.

Nag-OPM naman siya pagkatapos ng sing and dance niya, kinanta niya Tadhana ng UDD, Buko ni Jireh Lim, at Sugod ng Sandwich.

Ang ganda ng production number ni James na Justine Bieber medley (What Do You Mean, Love Yourself, at Sorry) in acoustic version.

Habang kumakanta si James ng Love Yourself ay si Luis Manzano ang naalala namin, dahil ito ang kinakanta niya sa video na ini-re-post ni Angel Locsin sa Instagram at ang sikat na batang si Balang na sumasayaw ng Sorry sa Ellen Show.

May dance showdown sina James at Elmo Magalona sa tugtuging New Thang, Dessert, Nae Nae at Twerk It Like Miley na pinalakpakan din ng husto, pero siyempre mas maraming tumitili sa hubby ni Leah dahil mas sexy siyang gumalaw.

Grabe ang tilian nang pumasok si Vice Ganda dahil talagang okray ang inabot nina Elmo at James. Pigil na pigil siyang matsansingan ang dalawa dahil nakaupo ang bigwigs ng ABS-CBN sa harapan ng stage. Sabi nga ng GGV at PGT5 host, “Bakit ba kasi nandirito pa ang mga ‘yan, hindi pa ba sila aalis o magbabanyo man lang?”

Panalo ang spot number ni Vice na Hello ni Adelle na rock version. Unkabogable talaga si Viceral.

Speechless ang lahat sa Lyrical dance medley nina James at Nadine sa inareglong tugtog ng musical director na si Rey Cantong ng Six Part Invention band.  Napakasuwabe ng pagsayaw ng JaDine ng Stay With Me ni Sam Smith, All Of Me ni John Legend, at Love Me Like You Do ni Ellie Goulding.

Sa nasabing dance medley ng dalawa, halata na sa body language nila na may ‘something’ o ‘sila na’ dahil iba ang titigan nila. Kaya sumisigaw na ang buong OTWOLISTA audience ng ‘in love.’

Napakaganda ng version nina James at Nadine ng awiting Ikaw ni Sharon Cuneta at Ikaw ni Yeng Constantino. Hmmm, feeling namin paborito nila pareho ito.

Muling ipinakita ang mga nakaraang highlights ng kilig-seryeng On The Wings of Love at habang tumatagal ay nag-iiba ang itsura ni Nadine at halatang in love na sa mga huling episode.

Special guest si Erik Santos na kumanta ng Say You’ll Never Go na isa sa naging soundtrack ng OTWOL at si Kyla para sa awiting On The Wings of Love at sabay-sabay naglabasan sa stage ang lahat ng OTWOL cast bilang pasasalamat sa lahat ng mga sumubaybay.

Ang encore prod number ng JaDine ay ang No Erase na soundtrack ng Ang Diary ng Panget at ang Bahala Na soundtrack naman sa Talk Back and You’re Dead.

Kilig overload ang JaDine In Love concert dahil halos lahat ng kinanta nina James at Nadine ay easy listening at sincere ang kanilang mga titigan, isang napakalaking pagkakaiba sa mga sikat na singer na nagso-show o naghahanapbuhay lang, wika nga.

Maganda ng set-up ng stage lalo na ang LED na napakalaki at big help para mapaganda lalo sa paningin ng mga manononood ang performance ng artists.

Maganda ang pagkakasunud-sunod ng mga kanta at may drama. Hindi na namin pinansin ang spiels ng JaDine dahil kabado sila kaya kung anu-ano na lang, at least from the heart.

Binabati namin ang Viva Concerts, ABS-CBN at Dreamscape Entertainment na siyang bumuo at nag-produce ng JaDine In Love sa pamamahala naman ni Dido Camara, creative head; Rey Cantong, musical director at ang stage director na si Paul Basinillo na siya ring nagdidirek ng mga show nina Enrique Gil at Vice Ganda.