Nasawi ang isang 12-anyos na lalaki makaraang tumalon sa Jones Bridge sa Binondo, Maynila, upang maligo sa Pasig River ngunit minalas na malunod, nabatid kahapon.

Sa Manila Bay na inanod at natagpuang palutang-lutang ang bangkay ni Jhayron Malayao, residente ng Pasay City.

Batay sa report ni Det. Milbert Balingan, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 5:00 ng umaga kahapon nang nadiskubre ang bangkay ng bata sa Manila Bay, malapit sa seawall ng MICT compound sa South Access Road, Port Area, Manila.

Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima dakong 4:30 ng hapon nitong Huwebes nang magkayayaan ito at ang kanyang mga kaibigan na maligo sa Pasig River, sa ilalim ng Jones Bridge. (Mary Ann Santiago)

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget