Alden at Maine copy

NATUPAD at ipinagkaloob ni Lola Nidora (Wally Bayola) ang request nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub/Divina) na hayaan silang mag-bonding na sila lamang dalawa sa kalyeserye ng Eat Bulaga noong Sabado, February 13, para i-celebrate sa unang pagkakataon ang Valentine’s Day – sa ikapitong buwan ng kanilang love team. 

Palakpakan ang AlDub Nation sa loob ng Broadway studio nang ipakitang sinundo ni Alden si Divina sa bahay ng mga lola sa barangay, sakay ng isang magarang Porsche. Ang tanong ni Lola Nidora, kay Alden daw ba iyon?

Human-Interest

ALAMIN: Mga inisyatibo ng NCCA sa pagpapakilala ng kultura ng mga katutubo

“Hindi po, Lola, hiniram ko lamang para po sa Valentine road trip namin ni Divina,” sagot ni Alden. “Ako po ang magmamaneho at mag-iingat po kami. Asahan po ninyong ibabalik ko agad si Divina pagkatapos ng celebration namin.”

Ipinaalaala ni Lola Nidora na tamang magkaroon sila ng oras para sa isa’t isa upang lubos nilang makilala ang kanilang sarili, sabay bilin na mag-iingat sila, mag-enjoy, at dalhan daw silang mga lola ng pasalubong mula sa pupuntahan nila.

Sinubaybayan ng Dabarkads sa Broadway studio ang pag-travel ng dalawa na may kasamang kulitan at kantahan habang nagda-drive si Alden. Minsang na-traffic sila, nagulat si Alden nang biglang bumaba si Maine, nagpunta sa unahan ng kotse at sumayaw sandali. Pagbalik sa loob, tanong ni Alden, bakit ginawa iyon ni Divina, wala lang daw nag-unat-unat lang siya.

Sa Tagaytay Vista Hotel tumuloy sina Alden at Maine at nakakatawa na tiyak na pigil na pigil ang fans na nasa lobby na huwag pansinin ang dalawa kahit binati sila ni Maine. 

Ang ganda ng shots na ginawa ni Raffy Tima ng GMA News & Public Affairs na inimbita ng Eat Bulaga para sa coverage sa date nina Alden at Maine, using the drone na ginagamit niya kapag nagku-cover ng news. Kaya kitang-kita ang kabuuan ng Taal Lake at ng hotel. 

Mainit man ang araw sa Tagaytay, napakalamig naman daw sa lugar kaya tamang-tama ang mainit na sabaw ng bulalo na pinagsaluhan nina Alden at Maine. After lunch, nag-duet ang dalawa ng Ako’y Sa ‘Yo At Ika’y Akin Lamang at muling nakanakaw ng halik sa cheek si Alden kaya naghabulan sila. Pero mukhang nasa mood o nagpapaalis ng nerbiyos si Maine dahil may sorpresa raw siya kay Alden. Hindi pa raw siya ready pero kailangan na niyang gawin. Umalis sandali si Maine para kunin ang sorpresa, sabi ni Joey de Leon sa studio, doon na raw magkakaalaman.

Ang Valentine gift ni Maine ay 2016 calendar ng Walt Disney na siya ang nasa month of February as Elsa sa Frozen, plus isang letter o tula na siya ang sumulat.  Inihayag na niya ang totoo niyang damdamin kay Alden na tahimik lamang na nakinig sa mga sinabi ni Maine, na may pagkakataon na nagiging emotional sa pagbasa. 

Narito ang kabuuan ng letter ni Maine:

“Sino ka nga ba? At paano mo masasabi na ikaw ay naiiba? Ano nga ba ang papel mo sa mundong ito? Ano nga rin ba ang papel mo sa buhay ko?

“’Yan ang mga bagay na tinatanong ko sa aking sarili, madalas nga ay hindi ako mapakali, sa dami ng bumabagabag sa aking isip, may mga oras na sumasakit na ang aking dibdib (parang ngayon).

“Sabi ng iba, hindi ikaw ang karapat-dapat. Humanap daw ako ng ibang iibig sa akin nang tapat. Kaya dapat daw ako’y maging maingat, pero sino ba sila para magdikta kung sino ang nararapat? Inaamin ko na ako’y takot na mahulog sa isang tulad mo. Ngunit alam ko na darating ang araw na kintatakutan ko, tila ang loob ko ay unti-unting nahuhulog sa ‘yo.

“Tinatanong ko ang aking sarili kung ikaw ba ay aking gusto ngunit ang isip ko’y nagsimulang magtalo. Maaaring hindi bulong ng isipan ko pero nararamdaman ko na ang sigaw ng puso ko ay OO. May mga oras na isip ko’y gulung-gulo dahil di ko na malaman kung alin ba ang totoo.

“Alam mo ba na mahirap kang basahin? Kaya ba tila kay hirap mong mahalin. Sa takot na baka ‘di mo ako kayang saluhin, ayos lang basta kailanman ay wag mo akong lolokohin.

“Ninanais kong malaman ang nilalaman ng puso mo, at magbabakasali na pangalan ko ba ang sinisigaw nito. Nais kong malaman ang tunay kong halaga sa iyo, pero ako ay natatakot na malaman ang totoo. Tila sa puso ko’y ikaw lang ang tanging makikita. Dapat na bang aminin, aking sinta?

“Tama bang sabihin sa iyo, tamang panahon na lang ang hinihintay ng puso ko.”

Pagkatapos basahin ni Maine ang letter ay nilapitan siya ni Alden at mahigpit na niyakap, nagpasalamat at dalawang beses na hinalikan siya sa noo. 

Tahimik sa studio, marami ang umiiyak sa audience. Tanong ni Allan K, kalyeserye pa ba iyon? At si Lola Nidora, kung aktingan pa rin daw ba iyon at tinawag na niyang Maine at hindi na Divina. 

Balak halikan ni Alden si Maine sa lips, at nagtanong si Maine, totoo raw ba iyon, hindi raw siya na-orient, pero bumusina na, kaya freeze! (NORA CALDERON)