Mga laro ngayon

(Araneta Coliseum)

4:15 n.h. - Mahindra vs. Globalport

7 n.g. - Barangay Ginebra vs. NLEX

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Dalawang baguhan at dalawang bagitong import ang sasalang ngayon para makamit ang buwena-manong tagumpay sa pagsisimula ng kanilang kampanya ngayon sa 2016 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.

Maghahangad na humanay sa opening day winner Talk ‘N Text at Meralco, ang Barangay Ginebra at NLEX na magtutuos sa tampok na laro ganap na 7:00 ng gabi. Maghaharap naman sa unang laro sa 4:15 ng hapon ang Mahindra at Globalport.

Magtatapat sa unang laro ang dalawang baguhang import na sina Augustius Gilchrist para sa Enforcers at Bryan Williams para sa Batang Pier.

Nakatakda namang magtapat ang mga balik import na sina Al Thornton ng Road Warriors at Othyus Jeffers ng Kings.

Ang 26-anyos na si Gilchrist na may taas na 6-foot-9 at produkto ng University of South Florida kung saan naging kakampi niya si dating Meralco at Globalport import Jarrid Famous at beterano rin ng NBA D-League kung saaan naglaro siya para sa Iowa Energy.

Produkto naman ng University of Tennessee ang 28-anyos na si Williams, na dating naglaro sa San Miguel Beer sa Asean Basketball League (ABL).

Bagama’t naging maiksi ang kanyang unang paglalaro sa Pilipinas, naging memorable ang pagkakataon ni Jeffers sa kampo ng TNT noong 2014 kung saan nakapagtala siya ng 38 puntos, 13 rebound at 2 steal bago magbalik sa US.

Ngayon, matutunghayan nang ganap kung gaano kahusay ang dating NBA D-League MVP at kung magagawa niyang matulungan ang Kings na mapawi ang matagal ng pagkauhaw sa kampeonato.

Inaasahang mas solido ang gitna ng Kings sa pagdating ni Jeffers na makakatuwang nina Greg Slaughter at Japeth Aguilar habang subok na ang tambalan ng “ageless center” ng NLEX na si Asi Taulava at ng power forward na si Thornton na suportado rin ng masipag nilang forward na si Fil-Canadian Sean Anthony.