MAGUINDANAO – Nadakip ang isa sa mga pangunahing leader ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pinag-isang operasyon ng militar at pulisya nitong Martes sa Cotabato City, inihayag ng Philippine Army kahapon.

Sa pahayag sa media kahapon ng umaga, sinabi ni Capt. Joann Petinglay, hepe ng 6th Infantry Division Public Affairs Office, na naaresto si Hassan Indal, alyas Abu Hazam, at ikaapat sa pinakamataas na opisyal ng BIFF, sa Barangay Kalangan.

Dinakip si Indal sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ni Regional Trial Court Judge George Jabido sa mga kaso ng double murder, ayon kay Petinglay, na tagapagsalita rin ng Army division.

Naniniwala ang Army na nagtago si Indal sa Cotabato City “to avoid the ongoing skirmishes” sa pagitan ng BIFF at militar na nagbabantay sa pagawaing proyekto sa Butilen River sa Datu Salibu, Maguindanao.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Dahil sa insidente, napabulaanan ang napaulat dalawang taon na ang nakalipas na napatay si Indal sa pag-atake ng militar sa Maguindanao noong Enero 30, 2014.

Si Indal ang vice chairman for internal affairs at kumander ng 4th Division ng BIFF, ayon kay Petinglay.

Dagdag pa ni Petinglay, narekober din sa operasyon nitong Martes ang isang M-653 rifle na may magazine na kargado ng bala, isang .45 caliber pistol na may mga bala, at isang fragmentation grenade. (Ali G. Macabalang)