KAILANGAN ng World Health Organization (WHO) ng isang agarang reporma upang mapahusay ang kakayahan nitong makatugon sa mga krisis, at ang kabiguang maipatupad ito kaagad ay mangangahulugan ng pagkalagas ng libu-libong buhay, ayon sa isang high-level report ng United Nations.

Ang ulat na “Protecting Humanity from Future Health Crises” ay ang huli sa serye ng mga pagsusuri ng mga pandaigdigang health experts na tumuligsa sa naging pagtugon ng WHO sa nakapanlulumong epidemya ng Ebola sa West Africa.

“This may be the last opportunity to ensure the WHO is empowered” upang magtatag ng isang epektibong emergency response capacity, babala ng isang ipinauna at hindi pa na-edit na kopya ng report ng isang U.N. panel, na isinapubliko online nitong weekend sa link sa website ng arawang Journal ng United Nations.

“The high risk of major health crises is widely underestimated and ... the world’s preparedness and capacity to respond is woefully insufficient,” anang panel, na nagsama-sama at nagtulungan sa kasagsagan ng krisis sa Ebola.

“If the WHO does not successfully reform, the next major pandemic will cause thousands of otherwise preventable deaths.”

At ngayong nakatutok ang mundo sa magiging tugon sa Zika virus na ikinakalat ng lamok, at napaulat na sa 33 bansa at may posibilidad ngunit hindi napatutunayang kaugnayan sa kapansanan sa pagsilang ng sanggol, napapagitna ngayon ang WHO sa mas matinding pressure.

Una nang nangako ang mga opisyal ng WHO na agaran nitong ipatutupad ang mga reporma sa emergency responses ng ahensiya.

Sinabi sa Reuters ng tagapagsalita ng WHO sa Geneva na ang organisasyon “is fully committed to urgently reforming our emergency work to address all emergency health risks and events in a predictable, capable, dependable, flexible and accountable manner”.

Partikular niyang tinukoy na hindi sapat ang naging paglalarawan sa pandaigdigang kahandaan, at sinabing pareho rin ang naging konklusyon sa mga naunang report at ang “WHO acknowledges this”.

Idinagdag ng tagapagsalita na ang pagkalat ng Zika virus outbreak mula sa Brazil ay “catalyzed immediate action” sa WHO na kumikilos bilang isang organisasyon.

Hindi naman malinaw kung kailan ilalathala ang pinal na ulat ng United Nations panel. (Reuters)