Ni Angie Oredo

Taliwas sa inaasahan, isang slot lamang ang ibinigay sa Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) para sa gaganaping Asia Oceania Olympic Qualifying Tournament sa Marso 23 hanggang Abril 3 sa Qian’an, China.

Ayon kay ABAP Executive Director Ed Picson, natanggap nila ang desisyon ng AIBA at wala silang magagawa kundi piliin sa kanilang tatlong pangunahin at premyadong boksingera ang ipadadala sa Rio qualifying.

“We will have to determine even if we need to have a box-off,” sabi ni Picson.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sinabi ni National women’s boxing coach Roel Velasco na kanila pang pinag-aaralan kung sino sa mga beteranong na sina Josie Gabuco, Nesthy Petecio at Irish Magno ang ookupa sa natatanging silya para makasikwat ng puwesto sa 2016 Rio Olympics sa Agosto.

Ipinaliwanag ni Velasco na tatlong weight category lamang sa women’s division ang paglalabanan sa Olympic Games. Ang mga ito ay 51kgs, 60kgs at 75kgs. Tanging sa mababang kategorya lamang na 51kg makakasali ang Pilipinas dahil wala itong mga atleta na nasa 69kg at 75kg.

Si Gabuco, tinanghal na 2012 world champion at ilang beses nagwagi sa Southeast Asian (SEA) Games ang nasa 48kgs habang si Petecio na nag-uwi ng pilak noong 2014 world championships ay kumakampanya sa 54kgs. Si Magno na silver medalist nitong 2015 Singapore SEA Games ay sumasabak din sa 51kgs class.

Idinagdag ni Velasco na pilit nitong gagawin ang makakaya para makasungkit ng silya sa Continental Qualifying kung saan pinakamalaki ang kanilang tsansa kumpara sa susunod na AIBA World Qualifying sa Mayo 19 hanggang 27 sa Astana, Kazakhstan.

Tanging ang dalawang mangungunang boxer lamang sa women’s category ang makakasungkit ng silya sa quadrennial Games.