Nalibing nang buhay ang isang construction worker nang lamunin siya ng lupa habang naghuhukay ng poso negro sa isang construction site sa Marikina City, iniulat ng pulisya kahapon.

Sa report sa tanggapan ni Senior Supt. Vincent Calanoga, kinilala ang biktimang si Ernesto Espaldon, 45, may asawa, welder-mason, at taga-Barangay Mayamot, Antipolo City, Rizal.

Ayon sa paunang imbestigasyon, dakong 11:15 ng umaga nitong Lunes at nagtatrabaho sa site si Espaldon at kasamahang si Bernardo Mendoza sa Paraiso Street sa Parang.

Nabatid na si Espaldon ang unang pumasok sa imburnal habang inaalalayan ni Mendoza, ngunit bigla na lamang umanong lumambot ang lupa sa ilalim at mistulang nilamon nito si Espaldon papunta sa ilalim.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Dakong 3:45 na ng hapon nang maiahon ang biktima pero patay na ito.

Iniimbestigahan na ng pamahalaang lungsod ang responsibilidad ng may-ari ng pagawain kaugnay ng insidente.

(Madelynne Dominguez)