Ikinakasa na ng Commission on Elections (Comelec) ang paglulunsad ng “shame campaign” laban sa mga kandidato na lalabag sa inilabas na panuntunan kaugnay sa political campaign materials sa pagsisimula ng panahon ng kampanya sa Martes, Pebrero 9.

Kasabay nito, umapela rin si Comelec Chairman Andres Bautista sa mamamayan na tulungan ang poll body sa pagmo-monitor ng mga pasaway na kandidato.

“We want to involve the citizenry. We are challenging our countrymen to take a picture of what they believe as illegal campaign materials of candidates,” pahayag ni Andres sa pulong balitaan matapos lagdaan ang isang memorandum of agreement kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“As you know, in social media, if these photos become viral, it may have an effect on the candidate’s campaign because it will be known to everyone that they violate the laws. It is likely that they will not be voted by our voters,” dagdag ni Bautista.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Hiniling ng poll chief sa publiko na tukuyin sa mga larawan ang lokasyon, partido o kandidato na sangkot, petsa, oras at iba pang impormasyon na makatutulong sa pagberipika sa mga kandidatong lalabag sa Comelec rules.

Aniya, maaaring ipadala o ipaskil ang mga paglabag sa election law sa pamamagitan ng Facebook.com/officialcomelec, Twitter @ChairAndyBau o @Comelec, [email protected] o [email protected], at Instagram @comelectv.

Binigyan na ng Comelec ng awtorisasyon ang DPWH at MMDA sa pagbabaklas ng mga illegal campaign material sa buong bansa.

Kabilang sa mga ipinagbabawal ng Comelec ang pagpapaskil ng campaign material sa mga puno, halaman at iba pang lugar sa labas ng mga itinalagang “common area” ng poll body o sa pribadong ari-arian na walang pahintulot ng may-ari nito.

(LESLIE ANN G. AQUINO)